143 total views
Hinarang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang nakaambang dagdag singil sa tubig dahil sa pagbaba ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) o palitan ng piso kontra dolyar, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon kay Manila Water Incorporated Corporate Communications Head Jeric Sevilla, ang pagbabago ng F-C-D-A sa mga nakalipas na taon ang nagtulak sa mga water companies na magtaas ng singil.
“Lahat ng mga loans ng MWSS ay minana natin, tayo po ang nagbabayad nito at kung matatandaan natin noong 1997 na nagsimula tayo, ang palitan lang piso at dolyar ay 1 dollar is to 26.30 pesos, ngayon pumapalo na yung dolyar sa 50-pesos so yung mga covenant na pinasok ng MWSS noon kumbaga nag-fluctuate din ang foreign exchange,” ani Sevilla.
Kamakailan lang ay naghain ang Manila Water ng ng P0.37 per cubic meter na dagdag singil habang P0.79 per cubic meter naman sa Maynilad ngunit hindi ito naisakatuparan noong April 1 dahil kasalukuyan itong pinag-aralan ng bagong board ng MWSS sapagkat maraming ordinaryong consumer ang maaapektuhan ng nakaambang pagtaas ng singil sa tubig.
Kaugnay nito, nagbigay si Sevilla ng tips sa mga consumer kung paano makatitipid ng tubig kabilang na ang pagrereport ng anumang tagas ng tubo at ilegal na koneksyon gayundin ang mahigpit na pagsasara ng mga gripo at pagtitiyak na walang pumapatak ditto.
Sa kasalukuyan ay nasa 202 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam o tinatayang anim na metro na mas mataas sa rule curve nito.
Ayon sa Manila Water, 97-porsiyento ng supply ng tubig sa Metro Manila ay nanggagaling sa Angat Dam kung saan umaasa rito ang 15,000,000 indibidwal.
Sa panlipunang katuruan ng simbahan, kapag nakalimot tayo na lahat ay mula sa Kanya at naabuso natin ang lahat ng Kanyang nilikha ay nangangahulugan ito ng ating pagkalayo sa Panginoon.