9,438 total views
Nanawagan ang mga Non-Government Organizations sa mamamayan na makiisa sa isasagawang Black Friday Protest bilang pagkondena sa malawakang pandaraya sa katatapos lamang na midterm elections.
Ayon kay Atty. Aaron Pedrosa – Secretary General ng Sanlakas na bahagi ng Partido Lakas Masa, kinakailangang imbestigahan ang Commission on Elections at Smartmatic, upang magkaroon ng kaliwanagan kung bakit may depekto sa mahigit 1,000 Security Digital Cards (SD Card), at 1,333 Vote Counting Machines.
Dagdag pa ni Atty. Pedrosa, dapat rin magpaliwanag muli ang COMELEC sa pagkakaroon ng pitong oras na delay sa resulta ng Transparency Server.
Una ng hiningi ng iba’t-ibang mga partylist ang disclosure access sa mga data logs ng VCM mula mismo sa precinct level.
Ayon sa grupo kung mapatutunayan na ang mga botong binibilang sa canvassing ay mula mismo sa mga prisinto, ay mababawasan na ang duda ng mamamayan.
“Kung ma-establish natin na yung boto at the precinct level na na-cast ay yun din ang kina-canvass ngayon, then that would dispel and allay yung suspicion sa irregularities,” bahagi ng paliwanag ni Atty. Pedrosa sa Radyo Veritas.
Bago ang pagkilos ng iba’t-ibang mga grupo, maghahain din ang mga partido na Murang Kuryente, Lakas ng Masa, Akbayan, Serbisyong Bayan at Alliance of Philippine Partners in Enterprise Development (APPEND) ng motion and manifestation na naglalaman ng mga nabanggit na iregularidad sa eleksyon upang pormal itong masagot ng COMELEC.
Matapos ito, alas-kwatro ng hapon ay magtitipon ang mga grupo kasama ang iba pang organisasyon sa PICC grounds kung saan kasalukuyang ginagawa ang canvassing ng mga boto.
“Tayo’y nananawagan sa lahat ng mamamayan na sinusubaybayan itong nagdaang halalan at ang canvassing na nagaganap. Malinaw po na maraming mga katanungan ang hindi nasasagot, na pinapalampas at tila ba dinadagan [tinatabunan] hindi sinasagot ng COMELEC at ng administrasyon, ang panawagan lang natin ay simple, magkaroon ng malinaw, malinis, credible na resulta ang halalan,” pahayag ni Atty. Pedrosa.
Hinikayat pa nito ang taumbayan na magsuot ng itim, bilang pagpapakita ng pagkondena sa dayaan at upang ihayag ang kahilingan ng mga Pilipino na magkaroon ng malinis, at tapat na resulta ang halalan.
“Magsuot ng itim, ito po ay pagpapahayag na pinoprotesta natin yung malawakang dayaan, disenfranchisement, vote buying na tila ba hindi na tayo umusad dyan mula pa noong unang na set up yung automated election process. Tumindig, mag-ingay at makiisa sa gagawing pagkilos,” dagdag pa ni Atty. Pedrosa.