34,457 total views
Ipaalam sa publiko ang rason sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
Ito ang panawagan sa gobyerno ni Laban Konsyumer President at dating Department of Trade and Industry Undersecretary Vic Dimagiba.
Aniya, hindi sapat na sabihin na tumaas lamang ang halaga ng isang partikular na produkto at serbisyo bagkus dapat na ipaliwanag sa mga mamimimili ang tunay na dahilan
Kung magiging malinaw sa publiko, inihayag ni Dimagiba na mas magiging madali para sa mga konsyumer na tanggapin ang nasabing pagtaas ng presyo.
“Ang duty ng gobyerno, ng DTI at Department of Argriculture ay ipaalam sa mga consumers kung bakit tumaas ang presyo ng hamon ng 4-5% huwag lang sasabihin na tumaas ng 4-5%.’Yun ang kulang ngayon, walang pagpapasa ng impormasyon para alam ng consumer ang dahilan sa pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Kung walang logic mahirap tanggapin,” pahayag ni Dimagiba sa Radyo Veritas.
Dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at produkto sa merkado, naitala ang 3.4 porsiyentong inflation rate noong Setyembre na sinasabing pinakamataas sa nakalipas na limang buwan.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Dimagiba na balewala rin ang P21 increase sa sahod ng mga minimum wage earners sa Metro Manila dahil mas malaki ang itinaas ng presyo ng mga pangunahing panagangailangan ng tao kung ikukumpara sa natatanggap nilang suweldo.
Paulit-ulit namang ipinapaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsasalang-alang ng kapakanan ng mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan sa bawat desisyon at programang gagawin ng pamahalaan.