195 total views
Mga Kapanalig, bilang mga tao, mahalaga sa ating magkamit ng hustisya kapag may pilit na kumuha ng isang bagay na pinahahalagahan natin. May mas mahalaga pa kaya kaysa sa buhay ng isang taong mahal natin?
Kamakailan, nabuksang muli ang usapin ukol sa reklamong isinampa sa International Criminal Court (o ICC) laban kay Pangulong Duterte at ilang opsyal ng ating pamahalaan para sa umano’y pagpatay sa libu-libong Pilipino kaugnay ng giyera kontra droga. Sa reklamong ito, sinubukang patunayan na ang malawakang pagpatay sa mga inaakusahang gumagamit o nagbebenta ng droga, ay bunsod ng patakaran ng gobyerno at may basbas ng pangulo ng bansa. Humihingi ng hustisya ang mga naiwang pamilya ng mga napaslang, hustisyang sinasabi nilang hindi nila makamit mula sa ating pamahalaan kung kaya’t dumulog sila sa ICC. Ang prosecutor ng ICC ay naglabas ng pasya na handa na ang opisina niyang imbistigahan ang mga kasong maaaring ituring na “crime against humanity” base sa mga ebidensiyang isinumite dito.
Ang tugon ng tagapagsalita ng pangulo: hindi raw makikipagtulungan ang ating pamahalaan sa anumang imbistigasyon at hindi ibibigay ang hinihinging kooperasyon sa ICC. Ang ganitong posisyon ay nauna na ring ipinahiwatig ng pangulo nang ipagbawal niyang ibigay ng Philippine National Police (o PNP) sa Department of Justice (o DOJ) ang mga records ng mga napatay na sinasabing nanlabán upang maimbestigahan ang mga kasong ito at mapanagot ang mga pulis na maaaring lumabag sa batas.
Kung gaano kariin ang pagtanggi ng gobyernong mapanagot ang mga alagad ng batas na maaaring umabuso sa pagpatay sa mga akusadong gumagamit o nagtutulak ng droga, ganoon din naman nito pilit na ipinasusuko sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) ang mga kasapi nitong responsable sa pagkamatay ng dalawang binata sa Masbate dahil sa landmine na itinanim diumano ng nasabing rebeldeng grupo. Sa kasong ito, hustisya rin ang hinihingi ng gobyerno mula sa CPP-NPA sa ngalan ng mga magulang at pamilya ng mga namatay na kabataan.
Batid natin kung gaano kalalim ang paghahangad ng katarungan ng mga nawalan ng mahal sa buhay. Tayong mga Kristiyano ay naniniwalang ang Panginoon mismo ang nagtanim sa ating mga puso ng ganitong pagmamahal sa katarungan, at hangad din Niya ang pag-iral ng katarungan sa pagitan ng mga tao. Ayon kay propeta Isaias, wika ng Panginoon, “Ako’y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko’y katarungan.” Wika rin sa Ebanghelyo ni San Lucas “Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi?”
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, ang katarungan ay may panloob at panlabas na katangian. Ang panloob na aspeto nito ay maisasabuhay sa pamamagitan ng pagkilala sa bawat isa bilang tao at kapwa. Ang hindi natin gustong gawin sa atin ay hindi rin natin dapat ginagawa sa iba.
Ang katarungan ay mayroon ding panlabas o obhetibong panuntunan. Ito ang batayan ng panlipunang moralidad na binibigyang buhay sa mga batas at sistemang pangkatarungang pinaiiral ng mga gobyerno upang gabayan ang mga ugnayan ng mga tao sa isa’t isa at sa pagitan ng tao at lipunan. Kailangang magkasabay umiral ang panloob at panlabas na katangian ng katarungan upang magkaroon ng tunay na hustisya.
Mga Kapanalig, tungkulin ng pamahalaang pairalin ang katarungan sa lipunan. Kung ang gobyerno mismo ang pumipigil sa pag-iral ng katarungan at ang pagpapanagot sa mga nananakit ng iba, lumalabag ito hindi lamang sa sarili niyang tungkulin kundi sa kalooban ng Diyos. Kung ang gobyerno ay hindi pantay ang pagtingin sa lahat ng tao bilang kapwa, sapagkat sa paningin nito ay hindi tao ang mga gumagamit o nagtutulak ng droga, hindi iiral ang tunay na katarungan.