346 total views
August 6, 2020-12:40pm
Dalawang pari ng Archdiocese ng Nueva Caceres ang nagpositibo sa novel coronavirus.
Ito ang kinumpirma ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona sa inilabas ng circular letter kasabay na rin ng kautusan na pagpapaliban ng Pagsungko ni Ina sa buong arkidiyosesis.
“It is unfortunate to inform you that two of our brother-priests were tested positive for Covid-19. One is infected due to the activity of “pagsungko” around the parish. For this reason we suspend all “Pagsungko ni Ina” within the Archdiocese in order to safeguard and protect the faithful from the spread of Covid-19. You are enjoined to follow this directive,” ayon sa inilabas na circular ni Archbishop Tirona.
Ang Pagsungko ni Ina ay ang tradisyon na pagbisita ng imahe ng Peñafrancia sa mga parokya bilang bahagi ng paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa Setyembre.
Hiling din ng arsobispo sa lahat ng mga pari na pangunahan ang tungkulin na pagpapaalala sa lahat ng mananampalataya hinggil sa pagpapatupad ng health protocols para sa kaligtasan ng bawat isa.
Dulot na rin ng patuloy na banta ng novel coronavirus una na ring sinuspinde ng archdiocese ang pagsasagawa ng fluvial procession at traslacion ng mahal na birhen ng peñafrancia na isang kilalang tradisyon sa bicol.
Sa Setyembre, ipagdiriwang ng mga Bicolano ang ika-310 taon ng kapistahan ng Our Lady of Penafrancia at ang ika-138 taong debosyon sa divino rostro sa pamamagitan ng pagsubaybay sa social media.
Sa Diocese ng Kalookan, bukod kay Kalookan Bishop-emeritus Deogracias Iniguez, dalawang pari rin ang nagpositibo sa virus bukod pa sa ilang mga seminarista na nahawaan ng Covid-19.
Si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo naman ang kauna-unahang opisyal ng simbahan ang nahawa at gumaling mula sa novel coronavirus.