625 total views
Iginiit ni Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco na nananatiling hamon sa mananampalataya ang patuloy na pagpalaganap ng misyon ng simbahan na dalhin si Hesus sa mga komunidad.
Ito ang mensahe ng Obispo sa pagdiriwang ng ika-19 na anibersaryo ng Canonical Erection ng Diyosesis.
Ayon kay Bishop Ongtioco, pinaiigting ng Diyosesis ang mga programang makatutulong mahubog ang espiritwalidad ng mamamayan tulad ng iba’t ibang apostolate program, formation at ang kawanggawa ng Simbahan sa pamayanan.
“Ang hamon sa bawat isa ay maging bayan ng Diyos, let us make Jesus present everywhere, sinasalamin ang kabanalan ng Diyos, ipinapadama ang presensya at pagmamahal ng Panginoon sa kapwa,” ayon kay Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Binigyang-diin ng Obispo na maisasakatuparan ito kung pagtuunan ng pansin ang pangangailangan ng kapwa at pagkakaisa tungo sa kabutihan kasabay ng hamong iwaksi ang diyus-diyusan tulad ng materyalismo at kapangyarihan sa lipunan.
Magandang pagkakataon din na kasabay ng pagdiriwang ang pagpaigting ng simbahan sa Synod on Synodality na hinikayat ang bawat isa na magbuklod sa paglalakbay bilang isang Simbahan na walang iniiwan at isinasantabing sektor ng lipunan.
Apela ni Bishop Ongtioco sa mananampalataya na ipanalangin ang bokasyon ng diyosesis na lumago para mapaghandaan ang susunod na henerasyon at higit na mapaglingkuran ang mahigit sa isang milyong binyagang katoliko.
“I hope and pray na dadami pa ang mga magpapari sa ating diocese para sa mas malawak na pagmimisyon,” ani Bishop Ongtioco.
Sa kasalukuyan may 48 parokya at mission stations ang Diocese of Cubao na pinangasiwaan ng 47 diyosesanong pari at 18 relihiyoso.
Sa datos naman ng Catholic Hierarchy may 449 ang mga pari diyosesis na karamihan ay mula sa iba’t ibang religious congregations habang 65 lamang ang mga diyosesano o katumbas sa 14 na porsyento lamang.
Sa halos dalawang dekadang paninilbihan ni Bishop Ongtioco sa diyosesis ay 16 na pari ang kanyang inordihan at bago matapos ang taong 2022 ay ordinahan din niya ang tatlong diyakono.
Iginiit ng Obispo na nararapat paghandaan ang kinabukasan ng diyosesis dahil sa susunod na dalawang dekada ay 20 pari ang sabay-sabay magretiro habang sa 2023 ay magretiro rin si Bishop Ongtioco alinsunod sa mandatory retirement age na 75-taong gulang.