80,211 total views
Mga Kapanalig, pamilyar sa atin ang kuwento ng Mabuting Samaritano o Good Samaritan sa Lucas 10:25-37. Isang Samaritano ang tumulong sa isang lalaking naglalakbay na “hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na” ng mga tulisan. Binigyan niya ang lalaki ng paunang lunas at saka inihatid sa isang bahay-panuluyan upang maalagaan siya roon. Hindi man gaanong idinetalye sa kuwento, ipinagkatiwala ng Samaritano ang biktima sa may-ari ng bahay-panuluyan at mahihinuha nating tinanggap ng huli ang lalaking nangangailangan.
Sa may-ari ng bahay-panuluyan minsan inihalintulad ni Pope Francis ang mga doktor. Sa kahilingan ng Samaritano na alagaan ang sugatang lalaki, tumalima ang may-ari ng bahay-panuluyan. Ito rin ang hiling sa ating mga doktor at sa mga nasa medikal na propesyon: ang alagaan ang mga maysakit, mahihina, at nahihirapan sa kanilang kondisyon. Malinaw na patunay ng pagkakawanggawa o charity ang paggagamot sa mga may karamdaman at pag-ibsan sa sakit na nararanasan ng mga pasyente. Hindi madali ang maging malapit sa paghihirap ng mga may iniindang sakit, kaya bilib tayo sa mga doktor na tunay na inuuna ang kapakanan ng mga ipinagkakatiwala sa kanila.
Kaya naman nakalulungkot kung totoo ang balita kamakailan tungkol sa mga doktor na nakikipagkuntsabahan diumano sa mga pharmaceutical companies upang kumita mula sa pananamantala sa mga pasyente. Kapalit daw ng pagrereseta ng mga gamot na ibinebenta ng isang kompanya, makatatanggap ang mga doktor ng milyun-milyong komisyon, mamahaling kotse, libreng biyahe abroad, at iba pang luho. May quota raw sa mga doktor na nare-recruit ng naturang kompanya. Ang siste, irereseta ng mga doktor ang iba’t ibang gamot kahit hindi naman talaga ito kailangan ng pasyente. Mahal na nga ang branded na gamot, posibleng may hindi magandang epekto ang mga ito sa umiinom.
Luging-lugi at kawawa ang pasyente.
May mga nagsasabing matagal na ang ganitong kalakaran sa Pilipinas. Hindi na raw ito bago. Open secret, ‘ika nga. Sinusuhulan ng malalaking kompanya ng gamot ang mga doktor at mismong may-ari ng mga ospital para ang kanilang mga gamot ang ireseta sa mga pasyente. Gayunman, gaya ng kapuputok lang na balita, walang malinaw at matibay na ebidensyang magpapatunay sa mga paratang laban sa mga tinatawag na “big pharma” at mga kasabwat nilang doktor. Kung hindi ito maiimbestigahan, unti-unti ring matatabunan ang isyung ito. Baka sa huli, maiiwan na naman sa ere ang mga pasyenteng sinasabing pinagsasamantalahan ng mga taong gusto lamang kumita.
Naglabas na ang Department of Health (o DOH) ng isang circular na pinaaalalahanan ang mga medical professionals na “unethical” o mali ang tumanggap ng anumang uri ng regalo mula sa mga pharmaceutical companies. Dapat itaguyod ng mga doktor, nars, at iba pang nasa propesyon ng paggagamot ang “professional and ethical standards.” Interes ng kanilang mga pasyente ang dapat na nangingibabaw, at salungat dito ang pagbibigay sa kanila ng mga gamot na hindi naman nila kailangan at bubutas sa kanilang bulsa kung kanilang bibilhin. Tumalima sana rito ang ating mga doktor.
Kasabay ng pagpapanagot sa mga nananamantala sa mga pasyente, paiigtingin din dapat ng gobyerno ang pagpapatupad ng Republic Act No. 6675 o ang Generics Act of 1998. Sa ilalim ng batas na ito, ang mga doktor ay dapat ilagay sa reseta pati ang generic name ng mga gamot na ipinaiinom nila sa kanilang pasyente. Ibig sabihin, malaya ang pasyenteng bilhin ang katumbas ng mga branded na gamot. Hindi sila dapat piliting bilhin ang mga mahal na gamot na gawa o ibinebenta ng isang partikular na kompanya.
Mga Kapanalig, kung mapatutunayang totoo ang mga tiwaling gawain ng mga ganid sa salapi, damay hindi lamang ang matitinong doktor. Tiyak na madadamay din ang tiwala ng taumbayan sa buong medical profession.
Sumainyo ang katotohanan.