3,496 total views
Mga Kapanalig, makasaysayan ang muling pagkakaluklok ni President-elect Donald Trump bilang pangulo ng Estados Unidos. Makasaysayan ito dahil maliban sa muli siyang inihalal, siya ang unang pangulo ng Amerika na may mahigit tatlumpung kaso; nahatulan siya sa isa sa mga ito. Siya rin ang presidenteng humarap sa dalawang impeachment cases noong una niyang termino. Gayunpaman, nagsalita na ang taumbayan ng Estados Unidos. Si President-elect Trump ang ika-47 na pangulo ng kanilang bansa. Mukhang hindi pa handa ang Amerika na magkaroon ng babaeng lider.
May epekto ba sa ating bansa ang pagbabalik niya?
Talakayin natin ang dalawang pangunahing isyu. Una, prayoridad ni President-elect Trump ang pagpapalayas sa mga iligal na migrante. Noong 2022, mga Pilipino ang ikalima sa may pinakamalaking bilang ng illegal migrants sa Amerika. Halos 350,000 na mga Pilipino raw ang iligal na pumasok doon. Ipinangako ni President-elect Trump noong kampanya na kung muli siyang mahahalal, ipatutupad niya ang pinakamalaking “deportation operation” sa kasaysayan ng kanilang bansa.
Sa katunayan, sa ilalim ng unang termino ni President-elect Trump, naghanda ang Pilipinas sa deportation ng halos sampung libong Pilipino. Dala ito ng pagkansela noon ng administrasyong Trump sa programang pinahihintulutang manatili sa kanilang bansa ang mga batang migranteng walang dokumento. Ayon sa mga eksperto, maaari ding maghigpit ang gobyerno roon kahit sa mga ligal na migranteng gustong magtrabaho roon. Labis itong makaaapekto sa mga OFW natin doon. Baka may mga kamag-anak kayo roon na malalagay sa alanganin.
Ikalawa, itinuturing na kaalyado ng Pilipinas ang Amerika sa usapin ng seguridad at sa paggigiit sa ating soberanya sa West Philippine Sea. Mahigit pitong dekada na ang Mutual Defense Treaty ng dalawang bansa kung saan nakasaad na magtutulungan ang mga ito sakaling may mga armadong pag-atake. Nariyan din ang Enhanced Defense Cooperation Agreement at ang mga joint-patrol ng mga sundalo ng dalawang bansa sa ating mga karagatan.
Paliwanag ng mga eksperto, asahang bahagyang magbabago ang mga ito sa ilalim ng ikalawang termino ni President-elect Trump. Posible raw na mabawasan ang suporta ng Amerika sa bansa dahil maaaring higit na tutukan nito ang giyera sa Ukraine at Gaza. Dagdag pa nila, noong unang termino daw ni President-elect Trump at kasabay naman ng termino ni dating Pangulong Duterte, matatandaang nanlamig ang bansa sa Amerika at bumaling ang suporta natin sa Tsina. Aantabayanan natin kung paano magbabago ang relasyon ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad at West Philippine Sea sa pagpapalit ng liderato sa Amerika.
Kinikilala ng Simbahang Katolika ang kahalagahan ng soberanya ng mga bansa bilang ekspresyon ng kalayaan ng bawat isa. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang soberanya at kalayaan ay mahahalagang gabay sa pakikipag-ugnayan ng mga bansa. Sa pamamagitan ng mga ito, magiging mapayapa at posible ang pagkakaisa ng mga bansa. Kailangan ang pagkakaisa upang sama-sama at mas epektibo nating masolusyunan ang mga suliranin ng mundo.
Ang ilan sa mga posibleng epekto ng pulitika sa Amerika sa ating bansa ay patunay na magkakaugnay ang mga bansa sa mundo. Makikita natin ito mula sa kabuhayan at seguridad ng mga migrante hanggang sa kabuhayan ng mga mangingisda at kalusugan ng yamang-dagat sa West Philippine Sea.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa sulat ni San Pablo sa Mga Taga-Roma 14:7, “Walang sinuman ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang.” Pamilyar siguro kayo sa kantang “Pananagutan” kung saan maririnig natin ang mga salitang ito. Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. Kaya naman, patuloy nating alamin ang mga nangyayari sa ibang bansa at, kung may pagkakataon, magbahagi ng saloobin at opinyon sa mga ito, batay na rin sa ating pananampalataya at mga turo ng Simbahan.
Sumainyo ang katotohanan.