252 total views
Pagpapalalim sa pananampalataya at pagkakaisa ng mananampalataya.
Ito ang pahayag ni Laoag Bishop Renato Mayugba kaugnay sa pagtataas ng Shrine of La Virgen Milagrosa de Badoc sa pagiging Minor Basilica.
Ayon sa Obispo mahalagang pagkakataon sa mga mananampalataya hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng Japan dahil ipagdiriwang sa susunod na taon ang ika – 400 anibersaryo ng pagdating ng imahe ng Mahal na Birhen na natagpuan sa karagatan ng Barangay Dadalaquiten sa pagitan ng Sinait, Ilocos Sur at Barangay Paguetpet Badoc Ilocos Norte noong 1620 kasama ang isang Krusipiho.
“Ang maganda dito next year [2020] we will be celebrating 400th anniversary of the presence of Lady of Badoc the Japanese Madonna,” pahayag ni Bishop Mayugba sa Radio Veritas.
Ito rin ay simbolo ng pagpapatuloy sa misyon ng Simbahang Katolika na ipalaganap ang Mabuting Balita ng Panginoon at ipagtanggol ang pananampalataya lalo’t natagpuan ang imahe kasabay ng pang-uusig sa mga Kristiyano sa Japan.
Naniniwala ang mga residenteng nakatagpo sa imahe na ito ay pag-aari at nakalaan para sa isang isang Japanese missions upang tulungang mapatibay ang pananampalataya ng mga Kristiyanong Hapon na inuusig noong ika-17 siglo sa Tokuganawa Shogunate Japan kaya’t ang mukha ng imahe ay hawig sa isang Haponesa.
UGNAYAN NG BIRHEN NG BADOC AT JAPAN
Binigyang diin ni Bishop Mayugba na marapat ibahagi sa mananampalataya ng Japan ang pagiging Minor Basilica ng La Virgen Milagrosa de Badoc dahil kapwa ito nagpapaalala sa mga pangyayari noong ika-17 siglo kung saan pinaslang ang mga misyonerong Katoliko.
“With the elevation of the church in Badoc into a Minor Basilica and since the connection of Japan is very clear I feel a desire to share the faith back to Japan,” ani ni Bishop Mayugba.
Una na rito ang pagkakapaslang ni San Lorenzo Ruiz de Manila, kasapi ng mga misyonerong Dominikano na pinahirapan at pinatay sa Nagasaki Japan noong ika-28 ng Setyembre 1637 kasama ang iba pang misyonero makaraang tanggihan na talikuran ang pananampalatayang Katoliko.
Ikalawa, ang pagkilala kay Blessed Justo Takayama Ukon isang Catholic layman at itinuturing na pundasyon ng pananampalatayang Katoliko sa Japan subalit nagtungo ng Pilipinas noong 1615 makaraang ipinatapon dahil sa pagtangging iwanan ang pananampalatayang Katoliko.
Pumanaw si Ukon noong ika-3 ng Pebrero 1615 o 44 araw makaraang dumating sa bansa at nanirahan sa Intramuros Manila.
Dalawang kapilya katabi ng Minor Basilica ang sabay na babasbasan kung saan kapwa nakatalaga kay San Lorenzo Ruiz at Blessed Justo Takayama Ukon bilang pagkilala sa kanilang dakilang pagmamahal sa pananampalataya.
Ayon kay Bishop Mayugba na ang pagkakaugnay nina San Lorenzo, Blessed Takayama at Mahal na Birhen ng Badoc ay ang pagiging martir at mga inuusig na Kristiyano noong ika – 17 siglo.
PAGHAHANDA SA OPISYAL NA PAGTATALAGA
Ika-27 ng Disyembre nang ilunsad ng Diyosesis ang 40 araw na paghahanda sa pagdiriwang ng pagtataas sa St. John the Baptist Parish bilang Minor Basilica.
Ayon kay Bishop Mayugba puspusan ang paghahandang ispiritwal kung saan sa mga pagtitipon ay ipinaliliwanag sa mananampalataya ang kahulugan ng Minor Basilica at ang kaibahan nito sa mga ordinaryong Simbahan.
“That is the catechetical, spiritual and pastoral preparations,” ayon kay Bishop Mayugba.
Dahil dito inaanyayahan ng Obispo ang mga mananampalataya na makiisa sa pagdiriwang na gaganapin sa ika – 5 ng Pebrero 2019.
Bukod kay Bishop Mayugba, mamumuno rin sa Banal na Misa si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo habang babasahin naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ang Decree of Concession.
Makikiisa rin sa pagdiriwang si Osaka Japan Archbishop Thomas Aquino Manyo Cardinal Maeda ang kauna-unahang Cardinal ng Japan simula nang lumaganap ang Kristiyanismo sa nasabing bansa na halos kasabay ng Pilipinas.
Magugunitang ika-30 ng Nobyembre ng aprubahan ng Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ng Vatican ang kahilingan ng Diyosesis ng Laoag na itaas bilang Minor Basilica ang halos apat na sentenaryong Simbahan na pinagluklukan ng mapaghimalang Mahal na Birhen ng Badoc.