1,034 total views
Kasambahay sa ibang bayan: ito ang realidad ng marami nating mga kababayan na kinailangan lisanin ang sariling pamilya upang maglingkod sa ibang pamilya sa labas ng bansa.
Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot ng 2.4 million ang bilang ng mga OFWs na nagtrabaho sa ibang bansa noong 2015. Sa bilang na ito, 51.1% ay mga babae. Mga pitong porsyento ng mga babaeng OFWs ay nasa edad 15 hanggang 24 years at 29.5 percent naman ang may edad 25 hanggang 29 years. Higit pa sa kalahati ng mga babaeng OFWs ay mga laborers o unskilled workers, o mga domestic workers. Noong 2009, ang pangunahing destinasyon ng mga domestic workers mula sa Pilipinas ay Hong Kong, Kuwait, United Arab Emirates, Saudi Arabia at Qatar.
Kapanalig, marangal na trabaho ang domestic help. Ngunit natatanggal ang dangal ng marami nating mga kababayang domestic helpers dahil sa pangmamaltrato ng kanilang mga amo. Ayon nga sa Center for Migrant Advocacy, marami pa ring mga insidente ng pang-aabuso sa mga Pilipinang domestic workers.
May mga kaso ng overworked domestic workers, kung saan hindi lamang iisang bahay ang kanilang kailangang linisin at imintina. Halos hindi sila makatulog o makakain sa dami ng kanilang trabaho. May mga kaso din kung saan nasasaktan ng mga amo ang trabahante dahil sa pagkamamali, maliit man o malaki. Mayroong din mga kaso ng pangmo-molestiya o panggagahasa.
Ayon sa UN Committee on the Elimination of Violence against women and children, kulang ang ating support system para sa mga OFWs pati na ang proteksyon para sa mga unskilled migrants. Minumungkahi nga nito na i-ayos pa natin at palawigin ang proteksyon para sa karapatan ng mga kababaihang OFWs sa pamamagitan ng mga bilateral agreements at memorandums of understanding (MOU).
Kapanalig, bilang isang bansa na tao ang isa sa mga pangunahing ini-export, kailangan marunong tayong mag-“assert” at mangalaga ng karapatang pantao. Ang mga OFWs natin sa ibang bansa ay bulnerable, ngunit kahit ganito ang kanilang sitwasyon, malabong bumaba ang kanilang bilang. Sa hirap ng buhay sa ating bayan, pihadong tuloy tuloy ang exodus patungo sa ibang bansa ng marami nating mga kababayan. Ang pagkakaroon ng mga bilateral agreements at memorandum na kikilala at mangangalaga sa kanilang karapatan ay maaring maging epektibong proteksyon para sa kanila, mga kapwa-Pilipino na tinatawag nating bayani.
Ang Rerum Novarum, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan ay nag-aalay ng mahalagang gabay sa isyung ito: “Ang hustisya o katarungan ay tinatawag tayo at ang administrasyon na pangalagaan ang interes ng mga manggagawa. Ang pangngangalaga ng kanilang kapakanan ay paniniguro na mararamdaman din nila ang mga benepisyo at biyaya ng kanilang mga ambag sa ating lipunan.” Nagbibigay ito ng saysay, halaga, at dangal sa kanilang paghihirap sa ibang bansa.