1,581 total views
Mga Kapanalig, hindi naging malinis ang nakaraang halalan.
Hindi ito dahil nagkaroon ng malawakang dayaan, kundi dahil naging laganap at lantaran ang pagbili ng boto, lalo na ng mga lokal na kandidato. Nakapagtala ang Comelec ng hindi bababa sa 30 kaso ng vote-buying sa buong bansa, habang nakahuli ang PNP ng mahigit 170 kataong namili umano ng boto. Lubhang mababa ang mga bilang na ito dahil maraming kaso ang hindi na nai-report sa Comelec at PNP.
Malinaw sa Omnibus Election Code na bawal ang pagbili at pagbenta ng boto. At hindi lamang mga kandidato ang saklaw ng pagbabawal na ito. Sinasabi sa batas na “any person” o sinumang nagbibigay, nag-aalok, o nangangako ng pera o anumang may halaga, pati mga pangako ng trabaho o pabor, upang udyukan ang mga taong bumoto para sa isang kandidato o laban sa isang kandidato ay gumagawa na ng vote-buying. Ibig sabihin, hindi kailangang ang kandidato ang mismong nag-aabot ng pera o nagbibigay ng pabor. At wala ring sinasabi sa batas kung magkano ang dapat na halaga ng pera o pabor na ibibigay sa isang botante para masabing vote-buying ang kaso—sanlibong piso man yan o sampung piso, vote-buying na iyon. At ang pagtanggap ng mga ito—o vote-selling—ay labag din sa batas. Election offense din ang pagbibigay at pagtanggap ng pamasahe, pagkain, at iba pang bagay na may halaga limang oras bago at pagkatapos ng isang public meeting bago ang araw ng halalan at sa mismong araw ng halalan. Kung magiging istrikto tayo sa pagpapatupad ng batas, tiyak na marami ang guilty at mapapatawan ng parusa.
Ngunit sa lahat ng taong dapat nakauunawa ng batas at tumitiyak na napoprotektahan ang mga botante laban sa mga mapagsamantalang mga pulitiko, mismong si Pangulong Duterte pa ang nagsabing walang problema sa vote-buying. Paliwanag ng pangulo, “integral part” o hindi maihihiwalay na bahagi ng halalan sa bansa ang pamimili ng boto, at “walang hindi nagbibili ng boto.” Kalakaran na raw ng mga kandidato ang gastusan ang pamasahe ng mga botante at ang pagkain ng mga nangangampanya para sa kanila. Ano ang tingin ninyo rito, mga Kapanalig?
Dahil sa naging laganap at lantaran nga ang vote-buying nitong nakaraang halalan, hindi mahirap sang-ayunan ang sinabi ni Bishop Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos. Aniya, sa pamimili nila ng boto, sadya yatang ayaw ng mga pulitiko na iangat mula sa kahirapan ang mga tao upang lagi nila silang makontrol. Kaya naman, duda si Bishop Alminaza kung tunay ngang naging malaya ang nakaraang eleksyon at kung boses nga ba ng mamamayan ang sinasalamin ng naging resulta ng botohan.
Maliban sa dapat aksyunan ng mga tagapagpatupad ng batas ang mga ulat tungkol sa vote-buying, nakasalalay sa ating mga botante kung tutuldukan natin ang hindi matibag-tibag na kultura ng vote-buying at vote-selling. Tunay ngang mahirap ito lalo na’t marami sa ating mga kababayan ang tumatanggap ng pera hindi lamang dahil hindi nila alam ang batas kundi dahil pinaiiral nila ang kanilang pagiging praktikal. May nangangatwirang pambili rin ng pagkain ang isangdaan, limandaan, o sanlibong pisong iaabot sa kanila ng mga kandidato. Alam nating mali ang ganitong pangangatwiran, ngunit kailangan tayong maghain ng alternatibong pananaw upang mabago ang kalakarang ito. Magsisimula ito sa pag-udyok sa kapwa nating bumoto ayon sa kanilang konsiyensya at ipaglaban ang danagl ng kanilang boto. Ngunit sapat na nga ba iyon?
Mga Kapanalig, hindi dahil “integral part” na ng halalan ang vote-buying ay dapat na natin itong hayaang magpatuloy. Sa maliit na paraan, simulan natin ang pagbasag sa kulturang ito sa ating pamilya at pamayanan, at baka naman sa susunod na eleksyon, tunay na boses ng mamamayan ang maririnig.
Sumainyo ang katotohanan.