720 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin sa buwang ito ang National Teachers’ Month. Layunin ng pagdiriwang na itong kilalanin ang husay at dedikasyon ng mga guro sa pag-agapay nila sa kabataang Pilipinong makamit ang kanilang mga pangarap. Sa taong ito ang tema ng paggunita ay “Gurong Pilipino, Dangal ng Sambayanang Pilipino”. Binibigyang-diin nito ang mahalagang papel ng mga guro sa pagtataguyod ng kaunlaran sa ating bayan at dignidad ng bawat Pilipinong mag-aaral. Sa kabila ng pagkilalang ito, nanatiling maraming suliraning kailangang tugunan ang pamahalaan upang sa konkretong paraan ay maipakita ang pagpapahalaga sa mga guro.
Sa pagbubukas ng mga eskwelahan noong nakaraang buwan, higit na tumingkad ang kalbaryong pinagdaraanan ng mga guro. Halimbawa, noong isang linggo lamang, naglabas ng pahayag ang Teacher’s Dignity Coalition tungkol sa mas malinaw na oras ng pagtatrabaho ng mga guro. Anila, sa kabila ng pagkakaron ng Civil Service Commission resolution na nagsasabing anim na oras lamang magtatrabaho ang mga guro sa paaralan at maaari nilang gawin ang dalawang oras pang trabaho sa bahay o kung saan man magaan sa kanila, maraming guro ang nagtatrabaho nang mahigit walong oras. Sa katunayan, mas malala pa nga raw ngayon kumpara noong bago magpandemya dahil na rin sa kakulangan sa mga guro na nauuwi sa mas malalaking klase o mas maraming estudyante sa isang klase. Marami rin silang hawak na non-teaching load o mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo.
Sa kabila ng dami ng kailangang gawin ng mga guro, nananatiling mababa ang sahod nila. Hindi man maaabot ang apatnapu hanggang animnapung libong pisong sahod ng mga guro sa ibang bansa sa Southeast Asia, naniniwala si Alliance of Concerned Teachers party-list representative France Castro na ang dalawampu’t limang libong piso ay lubhang mababa. Noong isang linggo, nagpahayag si Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte na hindi maaaring itaas ang sahod ng mga guro sa mga pampublikong paaralan dahil magbubunga ito sa paglipat ng mga guro mula sa mga pribadong paaralan. Mauuwi raw ito sa pagsasara ng mas marami pang mga pribadong paraalan. Para kay Representative Castro, hindi dapat ito ang batayan ng umento sa sahod ng mga guro. Ayon sa ating Konstitusyon, ang pamantayan dapat sa pagbibigay ng sahod ay ang cost of living at consumer price index. Samakatuwid, dapat bigyan ang mga guro ng sahod na nakabubuhay, lalo pa sa dami ng trabahong inaasahan mula sa kanila. Dagdag pa rito ang mga gastusin sa paaralan katulad ng chalk, papel, at panglinis ng classrooms na inaabonohan pa ng mga guro.
Malinaw sa mga turo ng Simbahan na ang karapatan ng mga manggagawa, katulad ng iba pang mga karapatan, ay batay sa kanilang dignidad bilang tao. Ang makatarungang oras ng pagtatrabaho at sahod ay mga pangunahing karapatan ng mga manggagawang dapat itinataguyod. Binibigyang-diin ng mga Catholic social teaching na ang pagtatrabaho ay para sa tao, hindi ang tao para sa pagtatrabaho. Ibig sabihin, ang dangal ng mga manggagawa, kasama ang mga kalagayang magpapalago sa kanila bilang mga nilalang ng Diyos, ay pangunahing usapin sa kanilang pagtatrabaho.
Kaya naman, kung naniniwala tayong dangal ng sambayanang Pilipino ang ating mga guro, dapat naitataguyod ang kanilang dignidad sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Ang mga gurong overworked at underpaid ay malinaw na sumasalamin sa mababang pagpapahalaga sa ating mga guro.
Mga Kapanalig, sa pamamagitan ng ating mga trabaho maituturing “tayong mga kamanggagawa ng Diyos” sa mundong ito, ayon nga sa 1 Corinto 3:9. Samahan natin ang mga guro sa pananawagang isaayos ang lagay ng kanilang pagtatrabaho nang ito ay maging paggawang may dangal at may pagkilala sa kanilang mga karapatan.
Sumainyo ang katotohanan.