109,748 total views
Mga Kapanalig, sa Section 27 ng ating Konstitusyon, malinaw na sinasabi: “The State shall maintain honesty and integrity in the public service.” Kaya naman, ang ating mga lingkod-bayan—inihalal man o itinalaga sa kanilang posisyon—ay inaasahang laging ipagtanggol ang katotohanan at hindi masangkot sa pagkakalat ng kasinungalingan.
Bago mag-Pasko, naghain ng panukalang batas si Senador Risa Hontiveros na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga civil servants na mapatutunayang sangkot sa pagpilit sa mga saksing magsinungaling kahit pa sa korte. Kung magiging batas ang Senate Bill No. 2512, hindi na maaaring maging opisyal o kawani ng gobyerno ang mga pumipilit sa mga testigong magbigay ng mga gawa-gawang pahayag. Maaari din silang makulong nang hanggang anim na taon at pagbayarin ng isang milyong piso.
Ayon pa sa senadora, ang pagpilit ng mga nasa gobyerno sa mga testigong maglubid ng buhangin, ‘ika nga, ay sumisira sa mga prosesong pangkatarungan ng ating bansa. Pinahihina ng ganitong baluktot na gawain ang paghahanap sa katotohanang tungkulin ng ating legal system. Ang pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga lingkod-bayang magpakalat ng kasinungalingan, lalo na sa isang pagdinig, ay makatutulong na mapanatili ang integridad ng ating mga korte. Ibabalik din nito ang tiwala ng taumbayan sa ating sistemang pangkatarungan. Binibigyang-diin nitong walang puwang sa serbisyo publiko ang pagsisinungaling at katiwalian.
Napapanahon ang panukalang batas na ito lalo na’t sinasabing mga lingkod-bayan natin ang nasa likod ng hindi makatanungang pagpapakulong kay dating Senador Leila de Lima. Halos pitong taóng pinagkaitan ng kalayaan si Atty de Lima. Natapos ito nang sa wakas ay payagan siya ng korteng magpiyansa sa huling kasong isinampa laban sa kanya. Kasabay nito, sunud-sunod na bumaliktad sa kanilang mga testimonya ang mga ipinresentang testigo ng prosekusyon para sa mga gawa-gawang kaso laban sa pinakamatinding kritiko ng madugong giyera kontra giyera ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Naninindigan sina Atty de Lima, ang kanyang mga abugado, at mga tagasuportang kinuntsaba ng dating administrasyon ang mga testigo, na kinabibilangan ng mga nahatulang kriminal, upang iugnay ang dating senador sa kalakalan ng iligal na droga.
Kung totoo, halimbawa ito ng subordination of perjury o ang krimen ng pagkuha, panghihikayat o pagpilit sa ibang taong magbigay ng maling testimonya. Ang mga lingkod-bayang nasa likod ng ganitong krimen ay nagtataksil sa kanilang sinumpaang tungkulin na maglingkod nang buong katapatan. Kung hahayaan nating balewalain ng mga nasa gobyerno ang pagiging matapat at kung gagamitin nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapakalat ng kasinungalingan upang paghigantihan ang mga itinuturing nilang kaaway, huwag na tayong umasang magiging tapat sila sa ating mga pinaglilingkuran nila.
Pinaaalalahanan tayong mga Kristiyano ni San Pablo na maging makatotohanan sa ating kapwa at iwasang magsinungaling, mandaya, at manloko. “Sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig,” wika sa Efeso 4:15, “tayo’y dapat maging lubos na katulad ni Kristo.” Mas malaki ang inaasahan natin sa mga pamahalaang maging tapat. Ang katesismo ng ating Simbahan ay nagsasabing papel ng estado—sa pamamagitan ng gobyerno—na ipagtanggol at itaguyod ang tinatawag na common good o ang kabutihang panlahat. Hindi ito nangyayari kapag umiiral ang kasinungalingan at, ang mas masaklap pa, kung gobyerno mismo ang bumabaluktot sa katotohanan.
Mga Kapanalig, maliban sa mga batas na magpaparusa sa mga lingkod-bayang tumatalikod sa kanilang tungkuling maging matapat, tayo rin, bilang mga mamamayan, ay dapat na lumalaban sa kasinungalingan. Tuwing eleksyon, piliin natin ang mga tapat na kandidato. Ngunit kapag nanalo ang mga hindi tapat, huwag natin silang hayaang sirain ang dangal ng serbisyo publiko at kalabanin ang kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng pagsisinungaling at sadyang paninirang-puri.
Sumainyo ang katotohanan.