1,150 total views
Mga Kapanalig, sa nakalipas na mahigit limang taon, mahigit 30,000 na ang napatay mula nang magsimula ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Kaliwa’t kanan din ang mga pagbabanta’t pagpaslang sa mga mamamahayag, pari, at kritiko. Talamak din ngayon ang kasinungalian, kabastusan, at katiwalian. Sa kabila ng mga nito, mahalagang tanungin natin sa ating mga sarili bilang mga mananampalatayang Kristiyano: ano nga bang dapat na pagtingin at pagtugon natin sa mga ito?
Kamakailan lang, binatikos na naman ang “pakikialam” daw ng Simbahan. Sa isang homilya, pinaalalahanan kasi ng Arsobispo ng Lingayen-Dagupan na si Socrates “Soc” Villegas ang kanyang mga tagapakinig na hindi pwedeng maging “neutral” sa harap ng patayan, korapsyon, at kasinungalingan. In-upload niya ang maiksing bahagi ng kanyang homilya sa kanyang Facebook page na may caption na, “when we are neutral and there is an oppression, we end up empowering the oppressors.” Gaya ng inaasahan, maraming bumatikos sa arsobispo. Magkakaiba man ang mga paraan ng pagkakasabi, iisa lang ang kanilang mensahe: hindi raw dapat nangingialam sa pulitika ang Simbahan.
Hindi lamang si Archbishop Soc ang nag-udyok sa mga mananampalatayang makisangkot sa mga isyung panlipunan. Noong Mayo, hinimok din ni Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator noon ng Arkidiyosesis ng Maynila, ang kapwa niya mga lider sa Simbahan na manindigan laban sa kasamaan sa ating lipunan. Sa isang komentaryo, sinabi naman ni Fr. Daniel “Danny” Pilario, CM, na hindi raw maaaring neutral ang kahit sinong Kristiyano… sa gitna ng patayan, pagnanakaw at pagyuyurak sa karapatan ng iba. Aniya, ang Kristiyanong sumasang-ayon at tumatahimik sa gitna ng lahat ng pagsasamantala ay kasabwat ng mga magnanakaw.
Maraming Katoliko ang hindi komportable sa mga pahayag ng ilang mga pari at mga obispo ukol sa pulitika. Ang hindi nila alam, si Hesukristo mismo ay hindi ipinagsawalambahala ang kawalang-katarungan noong panahon Niya. Sa Mateo 21:12-13, tandaan nating minsan ding nagalit si Hesus sa mga nagtitinda sa templo dahil hindi na nirerespeto ng mga tao ang tahanan ng Diyos. Nagawa niyang itaboy ang mga nagtitinda roon at itaob ang mga mesa dahil ginawa na itong palengke kung saan nananaig ang pandaraya at panlalamang sa mga tao. Sa Mateo 23:23 naman, hindi siya nagdalawang-isip na pagsabihan ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na sila ay mga mapagkunwari dahil bigo silang sumunod sa kautusang maging makatarungan, mahabagin, at maging tapat sa mga tao.
Hindi katulad ng karaniwang paglalarawan kay Hesus na maamo at handang tumanggap ng kamaliang ginagawa sa kanya, nagsasalita si Hesus laban sa pang-aapi at kawalang-katarungan dahil ito ang “pinakadahilan ng kanyang misyon.” Sa gayon, inaasahan ang Simbahan, pati na ang mga bumubuo rito, na isabuhay ang pagiging tagasunod ni Hesukristo. Ito ang panawagan sa isang pastoral letter sa Amerika para sa mga Katoliko na gamitin ang kanilang boses at boto upang magsalita kasama ang mga inaapi, upang ipagtanggol ang mahihirap at mahihina, at upang isulong ang kabutihang panlahat. Hindi maaaring maging komportable ang isang Kristiyano sa gitna ng kagutuman, kawalan ng tirahan, at kawalan ng hustisya.
Mga Kapanalig, hindi ba pagiging makasarili ang pananahimik sa gitna ng kawalang-katarungan sa lipunan? Kung nakatuon lamang ang ating pananampalataya sa ating sariling kapakanan, proteksyon, at kaligtasan samantalang marami ang biktima ng patuloy na karahasan at katiwalian, masasabi ba nating tunay tayong tagasunod ni Kristo? Hindi matatawaran ang aktibong partisipasyon ng Simbahan sa mga isyung panlipunan, lalo na’t binibigyang-boses nito ang mahihina at inaapi. Nawa’y maging malinaw sa atin na tungkulin ng Simbahang magsalita lalo na sa mga pagkakataong naisasantabi ang dangal at dignidad ng tao, dahil nais ng Diyos ang kabutihan at kapakanan ng lahat, hindi ng iilan.
Sumainyo ang katotohanan.