4,392 total views
Nanindigan ang Bishop Promoter ng Stella Maris Philippines na dapat manaig ang katarungan alinsunod sa batas.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos malinaw na may pananagutan sa batas ang sinumang nagkasala upang mabigyang katarungan ang mga biktima.
Ito ang mensahe ng obispo kaugnay sa krimen na kinasangkutan ng isang Overseas Filipino Worker sa Kuwait na sinasabi ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa napatay nito ang anak ng kanyang employer.
Tiniyak ni Bishop Santos ang mga panalangin para sa kapanatagan at paghilom sa pamilya ng batang biktima gayundin ang panalangin para sa pagpanibago ng puso ng akusadong OFW.
“We also pray for the accused, that there may be contrition and a change of heart. Let us remember that our faith calls us to seek justice and mercy. We must allow the rule of law to prevail, ensuring that justice is served while also extending assistance and support to our co-national,” bahagi ng mensahe ni Bishop Santos.
Binigyang diin ng opisyal na bukod sa paglabag sa batas ng tao ay malinaw na nilabag ng OFW ang ikalimang utos ng Diyos na ‘Huwag kang papatay’ na isang mortal na kasalanan at pagyurak sa dignidad at kasagraduhan ng buhay.
Kasalukuyang nakipagtulungan ang embahada ng Pilipinas sa mga awtoridad ng Kuwait lalo’t ang nasabing akusado ay nakitaan ng sintomas ng pagkabalisa.
Iginiit ng embahada na isolated case ang nangyari at hindi ito sumasalamin sa pangkabuuang karakter ng mga OFW na ayon naman kay Bishop Santos nawa’y hindi makakaapekto sa imahe ng mga Pilipinong kilala sa pagiging masipag at makatao.
“This isolated case should not taint the true face of our many Overseas Filipino Workers (OFWs) who are known for their hard work, honesty, and God-fearing nature. Our OFWs have made countless sacrifices to provide for their families and contribute to the global community. They deserve our respect and support, even as we navigate this difficult situation,” ani Bishop Santos.
Bagamat hindi pinangalanan ang akusadong OFW napag-alamang ito ay nagmula sa Alcala Cagayan at nanatili sa Kuwait mula pa noong 2015.
Matatandaang nagkaroon ng visa ban para sa mga Pilipino ang Kuwait noong May 2023 kasunod ng pagkapaslang sa OFW na si Jullebee Ranara ngunit makaraan ang dayalogo ay inialis din ang ban sa mga Pilipino noong June 2024.
Muling idinudulog ni Bishop Santos sa Diyos ang pagpapatawad, kapanatagan ng puso, paghilom at walang hangang awa ng Diyos lalo na sa mga apektadong indibidwal.