180 total views
Kumikilos na ang Simbahang Katolika sa lalawigan ng Leyte para maghatid ng tulong sa mga pamilya na naapektuhan ng magnitude 6.5 na lindol.
Ayon kay Rev. Fr. Isagani Petillos, Parish Priest ng St. Peter and Paul Parish sa Ormoc City, 800-pamilya ang direktang naapektuhan ng naganap na paglindol at nangangailangan ngayon ng tulong matapos masira at maapektuhan ang kanilang mga kabahayan.
Giit ng Pari karamihan sa mga apektadong residente ay napilitang manirahan muna sa gilid ng mga kalsada gamit ang mga temporary tents.
Sinabi ni Father Petillos na suliranin ngayon ang pagkakaroon ng maayos na masisilungan ng mga pamilya ganun na rin ang pagkain, bigas, mga gamot at tubig.
“Kasi ngayon yun mga tao na nasiraan ng bahay they are living sa gilid ng kalsada na may mga tents, may nag donate na ng mga tents parang mga tarpaulin, yun lang problema kapag umulan mababasa talaga sila kasi mga makeshift lang ito.”ani Fr. Petillos.
Samantala Aminado si Fr. Petillos na muling nagdulot ng takot at pangamba ang naganap na magnitude 5.4 na paglindol dakong alas- nuwebe kuwarenta ng umaga ngayong araw.
Naganap ang paglindol habang bumibiyahe aniya ang grupo ni Fr. Petillos patungo sa isang mga Barangay na naapektuhan ng paglindol.
“We are asking for more prayers kasi it is normal na after ng malakas na paglindol may mga aftershocks kaya lang kapag ganito na medyo malakas nagpapanic talaga ang mga tao siguro we ask for more prayers.
Nauna rito, nagpahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ng kahandaan na tulungan ang mga biktima ng lindol sa Eastern Visayas.
Read: Cardinal Tagle, nag-alala sa mga apektado ng lindol sa Eastern Visayas
Batay sa datos 2 ang nasawi habang hindi bababa sa 100 ang nasugatan dahil sa naganap na paglindol sa lalawigan ng Leyte.