507 total views
Umaapela si Jesuit priest Father Albert Alejo sa Department of Justice na paigtingin ang imbestigasyon sa kaso ni Senator Leila de Lima kasunod ng pagbawi ng dalawang testigo.
Ikinalungkot ng pari na sangkot si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa paggawa ng kaso laban sa mambabatas kung saan nasira ang paglilingkod nito sa bayan bilang senador.
Hamon ni Fr. Alejo kay DOJ Secretary Menardo Guevarra na pairalin ang katarungan at panagutin ang sinumang sangkot sa kawalang katarungan sa lipunan.
“Nanawagan ako kay Secretary [Menardo] Guevarra alam mong tinuturong namuwersa kay [Kerwin] Espinosa at [Rafael] Ragos ay Secretary of Justice noon, patunayan mong iba ka sa pinalitan mong kalihim; wakasan na sana ang kawalang katarungan sa bansa,” pahayag ni Fr. Alejo sa panayam ng Radio Veritas.
Kamakailan ay magkasunod na binawi nina Kerwin Espinosa at dating Bureau of Corrections officer in charge Rafael Ragos ang naunang testigo na nagdidiin kay de Lima na sangkot sa kalakalan ng droga sa New Bilibid Prison.
Sa salaysay ni Espinosa ibinahagi nitong napilitan itong isangkot ang mambabatas dahil sa pamimilit, pananakot at pambabanta mula sa mga otoridad habang ayon naman kay Ragos pinilit ito ni dating Justice Secretary Aguirre.
Sa hiwalay na pahayag ni Aguirre pinabulaanan nito ang pahayag ni Ragos at iginiit na kusang loob itong lumapit sa DOJ para isumite ang reklamo laban kay de Lima.
Sinabi ni Fr. Alejo na ang pagbawi ng dalawang testigo laban kay de Lima ay isang hakbang upang mabigyang linaw at umiral ang katotohanan at katarungan.
“Ang pahayag nina Espinosa at Ragos ay hindi pagbaligtad kundi pagbabagong loob; masaya ako atleast dalawa ang umaamin na naging kasangkapan sila sa panililinlang at kawalang katarungan,” ani Fr. Alejo.
2017 nang makulong ang mambabatas dahil sa mga kasong isinampa na may kaugnayan sa iligal na droga.
Una nang nanawagan si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na imbestigahan ang mga nasa likod ng kawalang katarungan at panagutin ayon sa isinasaad ng batas.