13,965 total views
Inaanyayahan ng House quad-committee si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na humarap sa komite upang bigyang linaw ang mga paratang ukol sa kanyang pagkakasangkot sa extrajudicial killings (EJKs) sa panahon ng anti-illegal drug campaign ng kanyang administrasyon.
Ang imbitasyon ay kasunod na rin ng testimonya ni Leopoldo “Tata” Tan Jr., isa sa dalawang bilanggo na umamin sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng maximum security facility ng Davao Prison and Penal Farm (DPPF) noong 2016.
Ayon kay Tan, ang mga pagpatay ay sinasabing iniutos ng dating pangulo.
Matapos marinig ang testimonya ni Tan, iminungkahi ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. na imbitahan si dating Pangulong Duterte upang sagutin ang mga paratang.
“In the interest of fairness, may I move to invite former President Duterte to hear his side on this matter?” ayon Gonzales.
Ang mungkahi ay inaprubahan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, tagapangulo ng Committee on Dangerous Drugs at pangkalahatang tagapangulo ng quad-committee.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Tan na narinig niyang tumanggap si Supt. Gerardo Padilla, na noon ay officer in charge ng DPPF, ng tawag sa telepono na naglalaman ng pagbati, na umano’y mula kay Duterte, pagkatapos mapatay ang mga Chinese drug lords.
Ang sumusunod ay bahagi ng sinumpaang pahayag ni Tan, na naging basehan para imbitahan ang dating pangulo sa pagdinig:
“Habang naglalakad kami papuntang Investigation Section, tumunog ang cellphone ni Superintendent Padilla. Nakita ko na pinindot ni Superintendent Padilla ang kanyang cellphone. Nadinig ko na sinabi nung tumawag kay Superintendent Padilla, ‘Congrats Superintendent Padilla, job well done. Pero grabe yung ginawa, ginawang dinuguan.’”
“Alam ko na ang kausap ni Superintendent Padilla ay si Presidente Duterte dahil pamilyar ko ang boses niya.”
“Pagkatapos ng tawag, sabi ni Superintendent Padilla sa mga kasamahan niya doon, ‘Tumawag si Presidente, nag-congrats sa akin.’ Dahil sa sinabing ito ni Superintendent Padilla, kaya lalo akong napaniwala na ang tumawag sa kanya ay si Presidente Duterte.”
Si Tan, kasama si Fernando Magdadaro ang pinakabagong mga saksi na lumantad sa quad-committee ng Kamara, na nag-iimbestiga sa extrajudicial killings (EJKs) na iniuugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
Sa ikalawang pagdinig ng quad-committee noong Huwebes, binasa nina Tan at Magdadaro ang kanilang testimonya at sinumpaang salaysay, na nagdetalye sa mga pangyayari at sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords noong 2016.
Ayon sa dalawa, ang mga pagpaslang ay isinagawa sa ilalim ng direktang utos ni dating Pangulong Duterte, na kakasimula pa lamang ng ipinatutupad na kampanya kontra ilegal na droga.
Ang tatlong biktima ng EJK—sina Chu Kin Tung, na kilala rin bilang Tony Lim; Li Lan Yan, alyas Jackson Li; at Wong Meng Pin, alyas Wang Ming Ping, ayon sa sinumpaang salaysay nina Tan at Magdadaro ay kanilang pinaslang sa tulong na rin ng ilang mga pulis sa Davao na sinasabing utos ng dating Pangulo.
Ayon pa sa salaysay, sila ay nakatanggap ng tig-isang milyong piso, bagama’t hindi naisakatuparan ang pangakong kalayaan sa halip ay karagdagang taon ng pagkakakulong dahil sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords.