274 total views
Nilinaw ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista, Chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs na ang retiradong pari na si Father Arturo Monzon-Balagat ay hindi bahagi ng diyosesis dahil ito ay incardinated sa Diocese of San Bernardino, California.
Ayon sa Obispo, sa California naglingkod ng mahabang panahon si Father Balagat at bumalik lamang sa Cavite matapos itong magretiro.
Sinabi nitong simula pa noong 2013 nang siya ay maging Obispo ng Diocese of Imus ay hindi nakipag-ugnayan o humingi ng ministeryo si Father Balagat sa naturang diyosesis.
“Gusto ko lang liwanagin muna, si Father Art Balagat ay ipinanganak dito sa Imus at s’ya ay naging pari, na-ordain na pari, pero s’ya ay nag-incardinate sa Diocese of San Bernardino California. Doon sya nagserve ng matagal sa California tapos umuwi s’ya dito at s’ya ay retired priest but since panahon pa ni Cardinal Chito hindi na s’ya active, panahon ko noong 2013 until now hindi s’ya active.” Paglilinaw ni Bishop Evangelista sa Radio Veritas
Si Father Balagat ay tubong Cavite at dito naordinahang pari noong 1975 ni Bishop Felix Perez. Taong 1991 nang ma-incardinate itong pari sa Diocese of San Bernardino sa California at naglingkod sa iba’t-ibang parokya kabilang na ang St. Anne Parish sa San Bernardino, St. Mel Parish sa Norco, at St. George Parish sa Ontario. Naging Presidente din ito ng United States Filipino Catholic Ministries Council o USFCMC at Filipino Ministry, National Consultant to United States Conference of Catholic Bishops/Pastoral Care of Migrants, Refugees.”
Ayon kay Bishop Evangelista, mayroong pinatatakbong restaurant coffee shop si Father Balagat at namumuhay itong mag-isa nang walang anumang ugnayan o ministeryong hinahawakan at hindi rin ito nagmimisa sa Diocese of Imus.
Ipinagtataka naman ng Obispo kung bakit at paano iniugnay ng awtoridad si Father Balagat sa National Democratic Front of the Philippines.
Pinaalalahanan naman ni Bishop Evangelista ang mga pari na maging maingat sa pakikipagtulungan sa iba’t-ibang mga grupo.
Nilinaw ng Obispo na hindi nito hinahadlangan ang mga ministeryo ng pagtulong ng mga pari subalit marapat tiyakin ng bawat isa na hindi sila malalagay sa alanganin at sa halip ay pagtuunan ang pagpapalalim sa ispiritwal na aspeto ng kanilang paglilingkod.
“Aking ipinapaalala sa lahat lalo na sa mga pari na maging maingat din sa mga engagement, kung ano pa man, whatever, baka lalong ma-jeopardize yung ministry ng pari kung ano pa mang organization, or whatever, hindi ko jina-judge kung sino mang pari pero dapat maging focus din ng pari yung dapat kalagyan ng ministry lalo na yung sa spiritual side. Hindi ko tinatawaran yung malaskit ng ibang mga pari o mga tao sa ibang mga grupo pero kung minsan ito’y nakakaapekto sa ministry ng mga pari.” Dagdag pa ni Bishop Evangelista.