546 total views
Suportado ng mga obispo ng Davao Region ang panukalang ideklara ang buong lalawigan ng Davao Oriental bilang mining-free zone.
Layunin ng House Bill 1124 na ipagbawal sa Davao Oriental ang operasyon ng large at small-scale mining kabilang na ang quarrying.
Kabilang sa mga sumuporta sa nasabing panukala sina Davao Archbishop Romulo Valles; Davao Auxiliary Bishop George Rimando; Digos Bishop Guillermo Afable; Tagum Bishop Medil Aseo; at Mati Bishop Abel Apigo.
Ayon sa mga obispo, hindi kaya ng kanilang mga konsensya na suportahan at pahintulutan ang mga mapaminsalang gawain sa ngalan ng sangnilikha ng Diyos.
“In this sacred and morally-binding context, we express our hope, our plea, indeed, our demand, that we all should care for the environment from which we derive our existence,” bahagi ng pinagsama-samang pahayag ng DaDiTaMa Bishops.
Batay sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-EMB), nasa 39 mining permits ang ipinagkaloob sa ilang kumpanyang sumasakop sa halos 60-libong ektarya at inaasahang magmimina ng tone-toneladang nickel, copper, gold, at chromite.
Gayunman, bagamat itinuturing na makakatulong sa ekonomiya ng bansa, iginiit ng mga obispo na hindi pa rin matutumbasan ng kikitain sa pagmimina ang panganib at pinsalang dulot nito sa kalikasan at apektadong pamayanan.
“We amplify the call for the communities affected by mining to stand our ground in defense of our common home. As stewards of the environment, we should be acting as keepers of our common home,” ayon sa pahayag.
Matatagpuan sa Davao Oriental ang Mount Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary na idineklara bilang UNESCO heritage site, at ang protected seascape ng Pujada Bay, maging ang umuunlad na pamana at tradisyon ng mga katutubong Mandaya at Mansaka.
Sang-ayon sa ensiklikal na Laudato Si, mariing tinututulan ng ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mining industry sapagkat nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala at paghihirap sa mga komunidad.