345 total views
Mahalaga ang pagpe-penitensya at taimtim na pananalangin upang higit na maipadama sa Panginoon ang seryosong pagsusumamo ng bawat isa.
Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa isasagawang Penitential Walk o penitential service ng mga pari at relihiyoso ng arkidiyosesis sa unang araw ng Hunyo na idineklara din bilang ‘day of prayer and fasting’ upang hingin ang habag at awa ng Panginoon mula sa iba’t ibang hamong kinakaharap ng lipunan.
Bagamat tanging ang mga Pari at mga relihiyoso lamang ng arkidiyosesis ang kabilang sa nakatakdang gawain ng paglalakad mula Quiapo Church hanggang Sta. Cruz Church ay inaanyayahan ni Bishop Pabillo ang bawat mananampalataya na makibahagi sa pag-aayuno at pagdarasal na maaaring gawin ng bawat isa sa kanilang tahanan.
“Ang mahalaga dito yung penitensya kasi matagal naman na tayong nagdadasal ng Oratio Imperata, pero baka yung panalangin natin ay kulang pa ng pagsisisi kaya yung fasting din kaya hinihingi din namin sa lahat na magfasting tayo during this day, at least you missed one meal during the day para sa bansa na maipakita na seryoso tayo kaya kailangan yung fasting and prayer para seryoso tayo sa ating dasal sinasamahan natin ng fasting kaya kahit sa bahay pwede tayong makasama sa fasting…” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, dahil sa mga limitasyon na patuloy na ipinatutupad bilang pag-iingat sa COVID-19 ay tanging ang mga Pari at mga relihiyoso lamang ang maaaring personal na makibahagi sa gawain kung saan inaanyayahan ang lahat na makiisa sa pamamagitan ng pagsubaybay sa online live streaming.
Ipinaliwanag ni Bishop Pabillo na ang mga Pari ang magsisilbing kinatawan ng mga mananampalataya mula sa iba’t ibang mga parokya dala dala ang pagsisisi at pananalangin ng bawat isa para sa kapakanan ng buong bansa.
“Ang paglalakad at pagsisisi ng mga pari dala-dala nila yung mga parokyano nila, yung mga faithful nila so they just represent the people.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ng Obispo, mahalaga ang tatlong bahagi ng gawain mula sa pagsisisi kung saan nakatakdang mangumpisal ang mga Pari sa Quiapo Church; ang paglalakad o paglalakbay patungo sa Sta. Cruz Church; at ang pagsasagawa ng banal na misa na pagsusumamo sa Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Eukaristiya.
Ifiniit ni Bishop Pabillo na ang tatlong bahaging ito ay pawang pagpapakita ng pagpapakumbaba, pagsisi sa kasalanan at pagbago sa harap ng Diyos para sa kanyang kapatawaran at pag-adya sa bawat isa mula sa kapahamakan.
“Mahalaga po yung tatlong moments, isang moment ng pagsisisi dyan sa Quiapo Church – Penitential Right, tapos yung moment ng journey – yan yung paglalakad mula sa Quiapo Church hanggang Sta. Cruz Church and then the moment of the Eucharist na pagsamo sa Diyos sa pamamagitan ng Eucharist kaya may tatlong moments tayo na inaala-ala dito pagsisisi, paglalakbay ng may pagbabago at banal na eukaristiya paglalakbay patungo sa Diyos.” Paliwanag ni Bishop Pabillo.
Inihayag naman ng Obispo na mayroong pahintulot ang nakatakdang gawain ng arkidiyosesis mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila kung saan batid ni Manila City Mayor Francisco Domagoso na tanging mga Pari at relihiyoso lamang ng Archdiocese of Manila ang kabilang sa gawain.
tiniyak rin ng Obispo ang pagsunod sa mga ipinatutupad na pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
“Kaya nga yung mga Pari ay nakasutana para mapapansin na mga pari lang ang nandun. Humingi na po tayo ng pahintulot kay Yorme [Manila City Mayor Francisco Domagoso] at pinayagan naman tayo kasi mga pari lang naman at saka may distancing kasi maglalakad lang naman talaga papunta roon [sa Sta. Cruz Church]…” ayon kay Bishop Pabillo.
inaanyayahan ni Bishop Pabillo ang mamamayan na makibahagi sa misa sa kani-kanilang mga parokya upang makapagdasal, makapagsisi at makapagsumamo para sa parehong intensyon na mawakasan na ang pandemya, makapaghanda para sa pagdating ng bagong arsobispo at para na rin sa kapayapaan ng buong mundo.