312 total views
July 20, 2020-10:10am
Hinihikayat ni dating Holy See ambassador Henrietta de Villa ang higit sa 35-libong miyembro ng Mother Butler Guild (MBG) na makiisa sa itinakdang ‘Day of Prayer and Fasting’ sa ika-22 ng Hulyo.
Ito ay sa ganap na alas-3 ng hapon kung saan sabay-sabay na mananalangin ng Santo Rosaryo at Divine Mercy Chaplet.
Ayon kay de Villa-pangulo ng MBG, ang inisyatibo ay bilang panalangin para sa agarang paggaling ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-President, Davao Archbishop Romulo Valles.
“Ipinapanalangin namin si Archbishop Valles na gumaling siya sana kaagad at saka para din samahan ng panalangin rin si Bishop David kasi ang dami ngayong kaguluhan nga dito sa ating bansa dala ng pandemic at saka ng iba-iba pang issues ng bayan,” ayon kay De Villa sa panayam ng Radyo Veritas.
Si Archbishop Valles ay nakaranas ng ‘mild stroke’ at ilang mga kumplikasyon tulad na rin ng hospital-acquired pneumonia.
Nagpayag rin ng suporta at tiwala si De Villa na nasa mabuting mga kamay ang CBCP na pansamantalang pinamumunuan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Layunin ng nakatakdang “Day of Prayer and Fasting” ng MBG ang sama-samang ipanalangin ang agarang paggaling ni Archbishop Valles at katatagan ni Bishop David upang pansamantalang gampanan ang pagiging Pangulo ng CBCP lalo na sa gitna ng patuloy na pagharap ng bansa sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.