22,045 total views
Inaanyayahan ng Santo Papa Francisco ang bawat mananampalatayang Kristiyano at iba pang mga relihiyon sa paglalaan ng araw ng pananalangin, pag-aayuno at penitensya para sa kapayapaan na itinakda sa October 27-araw ng Biyernes.
Ang panawagan ay kaugnay na rin sa patuloy na na digmaan sa Holy Land na nagsimula noong October 7.
“I invite all the particular Churches to take part by organizing similar initiatives which involve the people of God.” ayon pa sa pahayag ni Pope Francis.
Sa Vatican, isasagawa ang pananalangin sa St. Peter’s Square ganap na ika-anim ng gabi oras sa Roma na ang pangunahing intensyon ang kapayapaan para sa buong mundo.
Bukod sa Jerusalem, patuloy din ang nagaganap na digmaan sa Ukraine, Syria, Myanmar Burkina Faso, Cameroon, Central African Republic (CAR), Democratic Republic of Congo, Ethiopia, Mali, Mozambique, Nigeria, Senegal, Somalia, South Sudan at Sudan.
Muling iginiit ni Pope Francis na hindi solusyon sa mga hidwaan at hindi pagkakaunawaan ang digmaan kundi nagdudulot lamang ng pinsala at kamatayan.
Ayon pa kay Pope Francis, “War solves no problems. It only sows death and destruction, increases hatred, and multiplies revenge. War erases the future it erases the future.”
Sa ginanap na General Audience sa Vatican, muling pakiusap ng Santo Papa Francisco ng tigil-putukan lalo’t nangangamba na higit pang lumawak ang digmaan, gayundin sa kalagayan ng mamamamayan na naiipit sa kaguluhan at pag-iral ng karahasan.
Giit pa ng Santo Papa dapat nang mahinto ang karahasan lalo’t marami na ang nagbuwis ng buhay lalo na sa mga sibilyan.
Sa ulat, higit na sa tatlong libo katao ang napapaslang sa higit isang linggong digmaan kabilang na ang mga dayuhan.
Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, may tatlong Filipino na ang nasasawi sa kaguluhan habang ipinapatupad na rin ng pamahalaan ng Pilipinas ang mandatory repatriation sa Filipinong nasa Israel.
Sa Diocese of Malolos, itinakda naman ang Araw ng Pangilin at Panalangin para sa kapayapaan sa Israel at Palestina sa October 24.
Ito ayon kay Malolos Bishop Dennis Villarojo ay bilang pakikiisa sa panawagan ng simbahan ng Jerusalem para sa lahat ng mga biktima ng karahasan at digmaan.
Sa kautusan, hinihiling ng obispo ang pag-aalay ng sakripisyo at panalangin ang bawat isa, at magtakda ng Banal na Oras sa araw na ito sa bawat parokya.