24,871 total views
Mahalaga ang pakikiisa ng lahat sa pananalangin para sa kapayapaan lalo’t nailalagay sa panganib ng digmaan ang katiwasayan ng buong mundo.
Ito ang mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Santos sa pagtalima sa panawagan ng Santo Papa Francisco sa gaganaping International Day of Prayer and Fasting para sa kapayapaan ng daigdig.
Ang panawagan ni Pope Francis ay kaugnay na rin sa mga nagaganap na kaguluhan sa Middle East, maging sa Ukraine at ilan pang mga bansa.
Sinabi ng obispo na sa pagbubuklod ng pamayanan sa panalangin ay masusumpungan ang liwanag ng pag-asang hatid ng Panginoong Hesukristo sa sanlibutan.
“This day is not only to show solidarity with the people who are affected but it is also a source of hope in this world that is plagued by strife,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang Day of Prayer and Fasting for Peace ay gaganapin bukas October 27 para sa natatanging intensyon ng kapayapaan ng buong mundo.
Binigyang diin ni Bishop Santos, ang CBCP Bishops Promoter ng Stella Maris Philippines na ang pakikiisa sa gawain ay paghahayag ng pananampalataya sa Panginoon.
“By committing ourselves to take part in this event, it will not only keep us in tune with God, who is the fountain of grace and mercy, but it will also translate our faith into action,” ayon pa sa obispo.
Nanawagan naman ang Archdiocese of Manila at iba pang diyosesis sa bansa na magsagawa ng Holy Hour for Peace at pagdiriwang ng misa sa itinakdang petsa.
Sa datos ng Office of the United Nations High Commissioner for Human Rights nasa sampung libong sibilyan na ang nasawi sa digmaan sa Ukraine-Russia war habang limang libo naman sa Israel-Hamas war.
Ayon naman sa ulat ng United Nation’s Office for the Coordination of Humanitarian Affairs patuloy ang pagdami ng Palestinian refugees na kinakanlong sa UN Relief and Works Agency for Palestine Refugees (UNRWA) shelters sa Gaza na umabot na sa 629, 000 mula nang sumiklab ang kaguluhan noong October 7.
Panawagan ng santo papa sa naglalabang mga bansa ang dayalogo upang manaig ang pagkakasundo na daan tungo sa mas mapayapang lipunan.