20,017 total views
Inilaan ng Diocese of Cubao ang unang Biyernes ng Agosto para sa ‘Day of Reparation and Atonement’ sa paglapastangan sa banal na Eukaristiya.
Ayon kay Bishop Honesto Ongtioco, bukod sa tungkulin ng simbahan na labanan ang mga kalapastangan sa Eukaristiya, sakramento at maging sa mga banal na bagay na may kaugnayan sa pananampalataya marapat ding pangunahan ng simbahan ang pagbabayad-puri at pagtitika.
“It is our duty not only to combat such disrespect but to compensate for the damage done through reparation and atonement as a Church,” ayon sa pahayag ng diyosesis.
Kamakailan ay pinag-uusapan sa buong mundo ang kalapastanganan sa pagbukas ng 2024 Olympics sa Paris kung saan ginaya ang The Last Supper sa hindi angkop na pagdiriwang.
Dahil dito inatasan ni Bishop Ongtioco ang lahat ng parokya, mga kapilya at religious communities na magsagawa ng Day of Reparation and Atonement sa araw na ito, August 2 bilang paghiling ng kapatawaran, habag at awa sa Panginoon sa mga kalapastanganang nangyari.
Kabilang sa mga nararapat gawin ang pagsasagawa ng Holy Hour, pagdarasal sa Act of Reparation sa lahat ng misa, pagtatanod sa Banal na Sakramento sa mga Adoration Chapels, pagtitika at pag-aayuno, habang inatasan ang mga pari na magpakumpisal sa kani-kanilang mga parokya.
Matatandaang kinundena ng French’ Bishops Conference at ng ilang mga lider ng simbahang katolika sa mundo ang ginawang pagtatanghal sa Paris Olympics kung saan itinampok ang mga drag queen bilang apostoles habang isang DJ naman ang gumanap na Hesus sa depiction ng Last Supper