289 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na dapat paigtingin ang pagsusulong ng mga programang makatutulong sa pagkakamit ng kapayapaan sa lipunan.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Peña, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Inter-Religious Dialogue, mahalaga ang pakikipag-usap upang matamo ang pagkakasundo sa pamayanan.
“Nagpapahiwatig lamang sa atin na kailangang palakasin natin ang ating ginagawa tungkol sa dialogue, pakikipagkasundo sa kapwa natin na iba ang paniniwala at relihiyon,” pahayag ni Bishop Dela Peña sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng Obispo ay kaugnay sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran bunsod ng US airstrike sa Baghdad International Airport noong ikatlo ng Enero na ikinasawi ni Iran General Qasem Soleimani, ang pinuno ng Quds military force.
Sinabi ni Bishop Dela Peña na dapat pagtibayin ang anumang hakbang tungo sa kapayapaan upang mapigilang mabuwag ang mga programang pangkapayapaan.
Aminado ang Obispo na malaking hamon ito sa bawat isa lalo na sa Pilipinas kung saan ipinagdiriwang ang Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous Peoples na layong pagkaisahin ang mamamayan sa pamamagitan ng pakikipag-usap.
“Ito’y challenge sa atin na ‘yung ginagawa natin na Year of inter-religious dialogue ay napapanahon upang labanan ang anumang hadlang para sa pakikipagkasundo at pakikipag-ugnayan,” saad ni Bishop Dela Peña.
Ikinalungkot ng Obispo ang kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa na malaking banta sa kaligtasan ng mga residente at ekonomiya sa lugar at maging sa Pilipinas.
Binigyang diin ng opisyal na hindi dapat humantong sa karahasan ang anumang hindi pagkakaunawaan sa halip ay pairalin ang katarungan sa pamayanan.
“Dapat papanig tayo sa katarungan at kapayapaan, we will work for peace,” ani ng obispo.
Dalangin ng obispo ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga bansa sa Gitnang Silangan lalo na ang 1, 600 Filipino sa Iran habang anim na libo naman sa Iraq.
Nanawagan ang Obispo ng panalangin para sa pag-iral ng kaayusan sa pagitan ng mga pinuno ng mga sangkot na bansa para sa kapakanan ng mamamayan.