24,741 total views
Umaasa ang Kanyang Kabanalan Francisco na maliwanagan ang kaisipan ng mga taong nagsusulong ng karahasan para sa pagkakasundo at kapayapaan.
Ayon kay Pope Francis, nawa’y sa liwanag na hatid ni Hesus na muling nabuhay ay mapaigting ang mga hakbang ng dayalogo sa magkakatunggaling mga bansa at manaig sa mundo ang kapayapaang hatid ni Hesus.
Tinukoy ng santo papa ang nagpapatuloy na digmaan sa mga bansa sa Europa at Middle East na labis nagdulot ng pinsala sa pamayanan lalo na sa kabataan at mahihinang sektor ng lipunan.
“Let us not cease to pray for peace, a just and lasting peace, especially for tormented Ukraine and for Palestine and Israel. May the Spirit of the Risen Lord enlighten and sustain all those who work to decrease the tension and encourage gestures that make negotiations possible,” ayon sa pahayag ni Pope Francis.
Sa ika – 773 araw ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine muling nagsagawa ng missile strike ang Russia sa Kharviv na ikalawa sa pinakamalaking lunsod ng Ukraine na ikinasawi sa walong indibidwal habang hindi bababa sa 10 ang nasugatan.
Ayon sa datos ng United Nations High Commissioner for Human Rights mahigit 30-libong katao na ang nasawi mula nang kubkubin ng Russia ang Ukraine kung saan pinakamaraming naitala noong March 2022 na umabot sa halos apat na libo.
Samantala sa anim na buwaang sigalot sa pagitan ng Israel at Hamas Militant group nasa 33-libong katao na ang nasawi at 75-libo ang nasaktan batay sa ulat ng gaza Health Ministry kung saan kabilang sa mga nasawi ang 170 volunteers ng United Nations na naghatid ng tulong sa mga naiipit na sibilyan sa Gaza Strip.
Dalangin ni Pope Francis na magbuklod ang mga lider ng bawat bansa para sa kapakinabangan ng mga mamamayang naiipit sa digmaan at karahasan.
“May the Lord give leaders the capacity to pause a little in order to deliberate, to negotiate,” giit ni Pope Francis.
Patuloy ang pakikiisa ng simbahan sa Pilipinas sa pananalangin para sa kahinahunan at kapayapaan sa buong daigdig lalo na sa mga bansang umiiral ang digmaan.