603 total views
Nilinaw ng Catholic Faith Defenders of the Philippines na hindi pangangampanya ang pagtitipon ng mga pari, relihiyoso at layko ng Diyosesis ng Novaliches sa Good Shepherd Cathedral noong March 1.
Sa social media post ni Father Fran Villegas, National Coordinator ng grupo, ipinaliwanag nitong bukod tanging diyalogo sa pagitan ng simbahan at kampo ni Vice President Leni Robredo ang ginawa.
“VP Leni (and other party mates) was there for a dialogue with the priests, religious, and lay faithful (coming from different organizations) of the said diocese. The conversation revolved around the need to be united in our quest for the good of the Filipinos and in our fight against lies, fake news,” bahagi ng pahayag ni Fr. Villegas.
Umani ng iba’t ibang reaksyon sa publiko ang ginawang pagtitipon sa loob ng katedral at iginiit ang separation of Church and State at maging ang paglabag sa Code of Canon Law.
Sinasaad sa Canon Law 1210 na ‘In a sacred place only those things are to be permitted which serve to exercise or promote worship, piety and religion. Anything out of harmony with the holiness the place is forbidden. The ordinary may, however, for individual cases, permit other uses, provided they are not contrary to the sacred character of the place.’
Ayon kay Fr. Villegas, malinaw rin sa nasabing batas ng simbahan na may karapatan ang obispo ng isang diyosesis na magbigay pahintulot na gamitin ang simbahan sa mga gawaing makatutulong sa kabutihang panlahat subalit tiyakin na mapanatili ang kabanalan ng lugar.
Matatandaang sa nasabing pagtitipon binasbasan din si Robredo at mga kasama kaya’t malinaw na ito ay pakikipagdayalogo at panalangin lamang at hindi political campaign.
Bukod kay Novaliches Bishop Roberto Gaa dumalo rin sa pagtitipon si Canon Lawyer at Bishop Emeritus Antonio Tobias na kasalukuyang namumuno sa CBCP Matrimonial Tribunal.
Sa hiwalay na pahayag ni Bishop Tobias, dismayado ito sa husga ng publiko lalo’t ilang minority sect ang hayagan ding nag-eendorso ng kandidato subalit binatikos ang grupo ng mga layko na hayagang sumusuporta sa isang kandidato.
Nanindigan si Fr. Villegas na hindi nilabag ng simbahan ang konstitusyon at maging ang Canon Law sa halip ay ginagampanan lamang nito ang mahalagang tungkuling gabayan ang mamamayan sa wastong pagpili ng mga lider ng bayan.
“It was a call to actively live our faith in the context of the world today. It was a challenge to stand strong in our commitment to the good and the true. All of these can easily be seen to be in line with the “exercise of worship, piety and religion.” dagdag ng pari.
Una nang nanindigan ang Simbahan sa pangunguna ng CBCP sa pagiging non-partisan subalit iginiit na mananatili itong kikiling sa katotohanan at katarungan.
Pinalalakas din ng simbahan ang voters’ education campaign tulad ng One Godly Vote at Catholic E-Forum na makatutulong para lubos na makilala ng 67-milyong botante ang mga kandidato sa nalalapit na 2022 National and Local Elections lalo na ang magpapapili sa pinakamataas na posisyon sa bansa.