433 total views
Tiniyak ng Pag-IBIG Fund ang patuloy na pagsusulong ng mga dekalidad na pabahay sa kalunsuran partikuklar sa Metro Manila.
Ito ang mensahe ni DHSUD Secretary at Pag-IBIG Fund Chairman Eduardo del Rosario sa paglunsad ng proyektong pabahay sa Muntinlupa City noong October 28, 2021.
Ang nasabing proyekto ay sa ilalim ng Countryside Housing Initiative (CHI) ng Pag-IBIG Fund katuwang ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa at ilang pribadong sektor.
“The CHI brings together project proponents to bring quality and affordable housing projects to more Filipinos, as we continue to implement our nation’s shelter program as led by President Rodrigo Duterte,” pahayag ni del Rosario.
Makasaysayan ang paglunsad ng nasabing proyekto sapagkat ang BALAI Munti ay kauna-unahang DHSUD-BALAI-funded project sa National Capital Region.
Ang BALAI Munti Housing Project ay binubuo ng 35 medium-rise na mga gusali o katumbas sa 668 condominium units para sa mga kawani ng lokal na pamahalaan ng lunsod na bibilhin sa pamamagitan ng Pag-IBIG Fund Housing Loan program.
Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy Moti sa pamamagitan ng C-H-I ay mabibili ng mga kawani ng lunsod sa mababang halaga ang bawat unit ng condo kung saan sa normal na 1.3 milyong pisong halaga ay maari itong makuha sa 750-libong piso lamang.
“That’s the major benefit of CHI. Because of the partnerships we create, we are able to save on additional costs like marketing and promotions for a housing project. This then leads to a quality home that is more affordable than what’s available in the market,” bahagi ng pahayag ni Moti.
Ibinahagi pa ni Moti na noong 2020 sa kabila ng pag-iral ng pandemya ay lumagda ito ng kasunduan sa siyam na mga LGU at mga institusyon sa bansa para sa pabahay sa ilalim ng C-H-I na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso na mapakikinabangan ng halos apat na libong benepisyaryo.
Taong 2017 nang ilunsad ng Pag-IBIG Fund ang Countryside Housing Initiative or CHI na layong mabigyang pagkakataon ang mga miyembro ng institusyon na makakuha ng dekalidad na pabahay sa mababang halaga sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan at mga institusyon.