317 total views
Ang Panginoon ay tuwinang kapiling ng bawat isa maging sa gitna ng kadiliman na dulot ng pandemya.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa Mass for the Dead na inilaan ng arkidiyosesis para sa mga nasawi dahil sa COVID-19.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi dapat na matakot at mapuno ng pangamba ang sinuman sapagkat ang Panginoon ay tuwinang kasama ng bawat isa maging sa kadiliman ng kamatayan na dulot ng pandemya.
“kahit na tayo ay tumatahak sa kadiliman, kadiliman ng kamatayan, kadiliman ng pandemya hindi tayo natatakot kasi alam natin kasama natin ang Panginoon kahit na sa pandemyang ito, kahit na sa kamatayan kasama natin ang Panginoon.” pagninilay ni Bishop Pabillo.
Ayon kay Obispo, ang pagluluksa at pagdadalamhati para sa mga yumaong kaibigan at mga mahal sa buhay ay normal lamang ngunit hindi ito dapat na ituring na katapusan.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, bilang mga Kristiyano ang kamatayan ay maituturing din na pagsilang sa ipinangakong buhay na walang hanggan ng Panginoon.
“death is a birth to a better world, there is a far greater and better world than we have now, dito sa bagong mundong ito ay talagang nandyan yung glory of God at doon po ay wala ng kamatayan, wala ng kalungkutan, wala ng luha papahiran niya ang lahat ng mga luha. Sabi natin na ang kamatayan is a birth to another world, pagsilang sa isang bagong mundo.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Hinikayat naman ng Obispo ang lahat ng mga Pari at mga lingkod ng Simbahan na makibahagi sa pinagdaraanang pagdadalamhati at pagluluksa ng mamamayan upang ganap itong maitaas sa Panginoong Maykapal.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dahil sa mga limitasyong ipinatutupad bilang pag-iingat ngayong panahon ng pandemya ay limitado lamang ang pagkakataon ng bawat isa na personal na makibahagi sa mga gawaing pansimbahan kaya mahalaga ang pag-aalay ng misa para sa mga intensyon ng mga mananampalataya.
“as pastors, tayong mga Pari we always carry with us the grieves and pains of our people and their joys and hopes, let us bring them to God. Our people may not be able to come to us to express this grief, hindi nga sila makakapunta sa mga libing, limitado ang partisipasyon sa mga libing. Pero tayong mga Pari, we can always celebrate the mass for them, marami sa mga faithful natin hindi makakasimba physically although they may want to, confined nalang sila sa online na mga misa na pagdarasal. Pero tayo may tao man o wala nagmimisa tayo, itaas po natin sa Diyos ang mga dalamhati, ang mga pangamba ng ating mga parishioners, ng ating mga tao,” Ayon kay Bishop Pabillo.
Matatandaang nagsimula ang inilaang Days of Prayer and Charity ng Archdiocese of Manila noong ika-5 Mayo na inialay para sa pananalangin sa kapakanan ng mga frontliners, sinundan naman ito ng pananalangin para sa mga may karamdaman na dulot ng COVID-19 virus noong ika-6 ng Mayo habang noong ika-7 naman ng Mayo ay inilaan para sa pananalangin sa lahat ng mga naulila ng mga pumanaw at ang huli ngayong ika-8 ng Mayo ay inilaan para sa lahat ng mga nasawi dahil sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Batay sa kasalukuyang tala, nasa mahigit 18-libo na ang nasawi sa Pilipinas dulot ng COVID-19 habang sa kabuuan umaabot na sa 3-milyong indibidwal ang pumanaw dahil sa sakit sa buong daigdig.