179 total views
Babantayan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care ang pagtalakay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa death penalty bill.
Iginiit ni CBCP-ECPPC Executive Sec. Rudy Diamante na hindi dapat maging kampante ang taumbayan sa pagdelay ng mga mambabatas sa pagtalakay ng panukala sa plenaryo.
Nangangamba si Diamante na taktika lamang ang delay upang lituhin ang mga grupong tutol sa parusang kamatayan.
Tiniyak ni Diamante na patuloy ang kanilang lobbying laban sa death penalty upang bantayan at tiyakin na hindi mai-railroad o biglang maipasa ang panukala ng palihim tulad ng ginawa ng House Committee on Justice.
“We strategized na ma-delay nga yung discussion at siguro naman nakonsensya kasi Christmas diba, pero ngayon you can never tell within this Congress kasi baka mamaya nililito lang kami kaya tuloy pa rin yung Lobbying 12, 13 and 14 pupunta sa Kamara, para ng sa ganun baka bigla silang magbotohan. Ganyan sila, ganyan ang ginawa nila diyan sa Mother Committee biglang nagbotohan na lang hindi na tinawag yung iba pa para magsalita kasi meron pa dapat, meron pang magsasalita pero ayun nga bigla nilang ipinasa,” pahayag ni Diamante sa panayam sa Radio Veritas.
Read: http://www.veritas846.ph/pag-asang-makapagbagong-buhay-ibigay-sa-mga-nagkasala/
http://www.veritas846.ph/may-ibang-sagot-laban-sa-kasamaan/
Bukod dito, kinakailangan rin aniyang maipaliwanag ang pangunahing dahilan sa pagsusulong ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa sa kabila ng sinasabi ng Philippine National Police na pagbaba ng antas ng krimen sa lipunan.
“Hindi maipaliwanag na bakit nila irerestore yung death penalty ganun ang statistics naman ay nagsasabing bumababa yung krimen eh anong reason. Wala, walang maibigay mismo ang PNP tungkol dun sa issue na yan…” dagdag pa ni Diamante.
Unang inihayag ng PNP na bumaba ng 31-porsyento ang krimen sa bansa mula noong nakalipas na taong 2015.
Una nang tinukoy ng Simbahang Katolika na dapat igalang ang dignidad at buhay ng bawat isa na tanging ang Diyos lamang ang may karapatang bumawi, dahil dito mariing kinukondena ng Simbahang Katolika ang pagbabalik ng Death Penalty sa bansa na nagpaparusa ng kamatayan sa mga nagkasala na nararapat bigyan ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay.
Matatandaang taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagbuwag sa Death Penalty sa bansa habang batay sa tala ng Amnesty International, nasa higit 140- mga bansa na rin ang nag-abolish sa kanilang parusang kamatayan.