223 total views
Muling nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na iwaksi na ang death penalty sa bansa.
Sa halip, sinabi ng Obispo na dapat paigtingin ang justice system ng bansa at maging patas ang katarungan maging ano man ang antas ng pamumuhay.
“Ang pinakamahusay talaga ay pagalingin ang ating justice system, at yung paghuli, pagprisinta ng ebidensya, paglilitis, padaliin hindi yung nakalalamang ‘yung maykaya kaysa sa mga pipitsuging kriminal,” ayon kay Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Mungkahi din ng Obispo ang pagpapalago ng ekonomiya ng bansa upang magkaroon ng kabuhayan ang bawat Filipino at hindi na matukso sa paggawa ng masama at gumamit pa ng karahasan para sa kanilang kabuhayan.
“Huwag na sanang ipilit pa ‘yang death penalty, paulit-ulit na lang tuwing may mangyayaring mabigat na krimen,” ayon pa sa Obispo.
Ngayong araw, ipinagdiriwang ang ika-15th World Day Against Death Penalty na ang pangunahing layunin ay ipaalam sa publiko na hindi sagot sa paglala ng krimen ang parusang kamatayan lalu’t kalimitang biktima at nahahatulan ay pawang mga mahihirap.
Isang misa naman ang idinaos sa CBCP Chapel sa Intramuros Manila na pinangunahan ni Fr. Silvino Borres, SJ ang pangulo Coalition Against Death Penalty (CADP) at Rector ng Loyola House of Studies.
Base naman sa tala, 98 bansa na sa buong mundo ang hindi na nagpapatupad ng parusang bitay.
Sa Pilipinas, pumasa na sa huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang death penalty bill na pinaboran ng may 217 mambabatas, habang nananatili pa ring nakabinbin ang usapin sa Senado.
Iginiit pa ng Obispo na ang buhay ng tao ay napakahalaga.
“Ang buhay ng tao ay napakahalaga, at tandaan natin habang may buhay may pag-asa at ngayon natatanto na hindi lamang sa Pilipinas maging sa ibang panig ng mundo na ang death penalty ay hindi talagang solusyon para matapos ang karahasan, kundi mas nakadagdag pa nga iyan sa atmosphere ng karahasan sa isang bansa.”