208 total views
Umaapela ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga mambabatas na mag-isip at magbuo ng iba pang mga paraan upang mapatatag ang kredibilidad ng Justice System sa bansa sa halip na isulong ang pagbabalik sa Death Penalty.
Ayon kay CHR Commissioner Karen Lucia Gomez-Dumpit, hindi maituturing na solusyon ang Death Penalty sa pagpapabilis ng pagkamit ng katarungan sa mga krimen sa lipunan sa halip ay isa lamang shortcut sa pagpapanagot sa mga kriminal.
Giit ni Dumpit hindi solusyon ang Death Penalty upang mabawasan ang kriminalidad sa lipunan sa halip ay huwad na paraan lamang sa pagpaparusa sa mga makasalanan.
“Ang Death Penalty po ay hindi po yan solusyon, hindi po yan mabilis na solusyon ang sinabi ko po sa Senado ay hindi po mapapabilis ang ating panahon sa Korte para ipaglaban ang hustisya porket nandyan na yung Death Penalty, so mag-isip po tayo ng ibang paraan para magkaroon ng justice sa atin…” pahayag ni Gomez-Dumpit sa panayam sa Radyo Veritas.
Kaisa ng Simbahang Katolika ay naninindigan rin ang CHR na ang pagpapatatag sa Justice System ng bansa para ganap na bigyang katarungan ang mga krimen sa lipunan habang ang maayos na reporma naman sa mga bilanguan ay lubos na kinakailangan upang makapagsisi at makapagbagong buhay ang mga kriminal.
Sa kasalukuyan, batay sa tala ay aabot na sa higit 100-libo ang bilang ng mga bilango sa higit 460 kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa buong bansa.
Gayunpaman, bukod sa parusang kamatayan ay una na ring nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang Kanyang Kabanalan Francisco sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay labag sa dignidad ng tao at pagkakataong muling makapagbago.