200 total views
Nanindigan si Buhay Partylist Representative Lito Atienza na hindi solusyon ang death penalty sa laganap na krimen sa bansa.
Inihayag ni Atienza sa programang Veritas Pilipinas na ang mga patayan dulot ng giyera kontra droga ng gobyerno ay maihalintulad na rin sa death penalty.
Sinabi ng mambabatas na ang mga nasawi sa war on drugs ay hindi nabigyan ng pagkakataon sa korte o due process.
“When you impose the death penalty, you only cause more violence on the people; a culture of violence will produce more violence for the people,” pahayag ni Atienza sa Radio Veritas.
Ikinalungkot ni Atienza ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ikaapat na State of the Nation Address kung saan hinimok ang Kongreso na isabatas ang parusang kamatayan para sa mga sangkot sa iligal na droga at plunderer.
Iginiit ni Atienza na sapat na ang habambuhay na pagkabilanggo para sa mga mabibigat na kasalanan at hindi kailangang patayin ang tao.
“Life is owned by God, created by God, all of us should be thankful that we are given life,” ani ni Atienza.
Sa panig naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care sinabi nitong hindi makatutulong ang pagbabalik ng parusang kamatayan upang mahinto ang karahasan at krimen sa lipunan.
Nilinaw ni Atienza na sa kanyang pagiging mambabatas at bahagi ng pamahalaan ay hindi mababago ang kanyang adbokasiya sa pagtatanggol sa buhay ng bawat mamamayan.
“I know I am in the congress but my advocacy will never change, life is the most valuable gift from the Almighty and I will never jeopardize it in any way, in any argument, or any reasoning,” giit ni Atienza.
Tulad ni Atienza, dismayado din ang Kabataan Partylist sa panawagan ng pangulong Duterte sa Kongreso na muling isabatas ang parusang kamatayan sa bansa.
Read: Kabataan Partylist, dismayado kay Pangulong Duterte.
1987 nang unang ipinag-utos ni dating Pangulong Corazon Aquino ang pagbawi sa death penalty ngunit muling naipatupad sa administrasyon ni Fidel Ramos hanggang sa administrasyong Estrada subalit taong 2000 nagpatupad ng moratorium si Estrada hanggang tuluyang isinantabi ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang death penalty noong 2006.