241 total views
Inaasahan ng Diocese of Tagum na madodoble ang mga deboto na dadagsa sa kanilang isasagawang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno.
Inihayag ni Rev. Fr. Emerson Luego, Kura Paroko ng Sagrado Corazon de Jesus Nazareno Parish sa Tagum City na mula sa 10,000 deboto na nakiisa noong nakalipas na taon ay maaari pa itong madoble o matriple sapagkat dumarami na ang nagde-debosyon mula sa karatig lalawigan ng Davao del Norte.
Dahil dito, inaasahan ni Father Luego na maaring umabot ng 4 hanggang 5-oras ang Traslacion sa lalawigan mula sa 3-oras na prusisyon noong nakalipas na taon.
Tiniyak ng pari na nakahanda o all set na ang Diocese of Tagum para sa ikalawang Traslacion na isasagawa para sa kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
“We are expecting na marami talaga bukas at hinahanda na namin yung security concern, nakadetalye din yung seguridad at saka yung sa traffic all set na din na bawat mga kalye may patrol cars at saka ambulance, nakikipag-coordinate din kami sa iba’t ibang grupo ng disaster team namin so in place na po lahat, reading ready na kami.” pahayag ni Father Luego sa panayam sa Radyo Veritas.
Pagbabahagi ng Pari, taong 2016 ng unang bumisita sa Diocese of Tagum ang imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno mula sa Quiapo Church ay dinagsa ito ng mga deboto mula sa buong Mindanao partikular na mula sa Butuan, General Santos, Cotabato at Agusan del Norte.
Taong 2017 ng unang isinagawa ang Traslacion sa Diocese of Tagum matapos na magkaloob ng imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ang Quiapo Church na naglalayong mas maipalapit ang debosyon sa mga deboto ng Poong Nazareno sa mga taga-Mindanao.