401 total views
Sa kauna-unahang pagkakataon nanawagan ang pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na kung maari ay sa bawat tahanan gunitain ang kapistahan ng Poon.
Ayon kay Rev. Msgr. Hernando Coronel, rector at parish priest ng basilica, kaisa at napakikinggan ng Panginoon ang dalangin ng mga deboto kahit sa mga tahanan ipagdiriwang ang kapistahan nito.
“Ito lang ang pagkakataon na sinabi ng Kura, na huwag kayong pumunta sa piyesta; kung pwede magdasal nalang kayo sa mga bahay ninyo, stay at home, magdasal kasama ang pamilya sapagkat nakukuha naman natin ang grasya,” pahayag ni Msgr. Coronel sa misang ginanap sa Manila City Hall.
Ipinaliwanag ng pari na ito ay para na rin sa kabutihan at kaligtasang pangkalusugan ng mga deboto mula sa banta ng pagkahawa ng corona virus.
Naunang nakipag-ugnayan ang pamunuan ng basilica sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno para sa pagsasaayos at paghahanda sa kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.
Dalangin ni Msgr. Coronel ang ligtas, payapa at malusog na pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno lalo’t pangunahing intensyon nito na mawakasan na ang pagkalat ng pandemya sa buong daigdig lalo na sa Pilipinas at tuluyang makahanap ng lunas para dito.
Magugunitang sa taunang pagdiriwang ng Traslacion naitatala ang humigit kumulang dalawampung milyong deboto ang dumadalo sa kabuuang pagdiriwang mula Luneta hanggang makabalik sa dambana ng basilica ang imahe ng Poong Nazareno.
Hiling naman ni Msgr. Coronel sa mga deboto na dadalo sa pagdiriwang sa Quiapo Church na mahigpit sundin ang mga safety health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“Sa mga debotong hindi talaga mapigilan ang pagpunta sa Quiapo church, sumunod tayo! Magsuot ng facemask, face shield, magdala ng alcohol at mahalaga ang physical distancing,” ani ng pari.
Nagtalaga na rin ang lungsod ng Maynila ng apat na lugar kung saan makadalo ng misa ang mga debotong hindi makapapasok sa mga simbahan ang Villalobos, Carriedo, Hidalgo, at Plaza Miranda.