15,752 total views
Isabuhay ang disiplina at pagbibigay prayoridad sa kaligtasan ng kapwa sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ang paalala ni Father Rufino ‘Jun’ Sescon – Rector at Parish Priest ng Minor Basilica and National Shrine of the Black Nazarene sa paggunita ng kapistahan kung saan idadaos ang panunumbalik ng nakagawiang Traslacion.
Ayon sa Pari, bilang mga mananampalataya at deboto ng itim na Nazareno ay kaakibat nito ang responsibilidad na isabuhay ang maayos, mapayapa at ligtas na kapistahan.
“Sa lahat ng mga deboto, sa lahat din ng gawain mapasa-Quirino grand stand, sa Quiapo at sa Traslacion, ang tunay na deboto ay may disiplina, may malasakit, ang pagpapahayag ng ating pananampalataya ay dapat nakakatulong din sa ating kapwa at iwasan po natin ang makasakit, iwasan po natin ang magkaroon ng mga disgrasya kaya’t tayo po sana’y makipagtulungan, sumunod sa mga alituntunin sapagkay itong lahat din ay para din naman sa kapakanan ng nakakarami,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Sescon.
Nagpasalamat naman ang Pari sa mga volunteers, uniformmed personnels ng pamahalaan at media personnel sa pakikiisa sa kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Bilang pagkilala ay idinaos noong January 06 2023 ang ‘Mass for Volunteers’ sa Quirino Grand Stand kung saan binasbasan ang mga volunteers at uniformmed personnel sa pangunguna ni Fr.Sescon.
“Pinapabatid ng simbahan ang taos pusong pasasalamat sa ating butihing Mayor Honey Lacuña Pangan at sa lahat ng mga kapulisan natin at iba pang mga volunteer groups, at iba pang mga lingkod simbahan sapagkat ito ay sama-samang gawain para sa karangalan ng ating Nuestra Padre Hesus Nazareno kaya nga’t hilingin natin ang pagbabasbas at proteksyon ng ating Panginoon upang ang lahat ng ating gagawin ay maging banal, ligtas at maayos,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.Sescon