351 total views
Maging mapagmatyag sa mga nagaganap na karahasan at pang-aabuso sa mga bata.
Ito ang panawagan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa kanyang pagninilay sa Kapistahan ng Santo Niño na ipinagdiriwang ng simbahang katolika sa buong bansa.
Ayon kay Bishop Pabillo, maraming mga bata sa bansa ang nakararanas na maging biktima ng karahasan at pang-aabuso na nakaaapekto lalo na sa kaisipan at pisikal na aspeto ng mga ito.
“Sa ating bansa maraming mga bata ay biktima ng violence, ng human trafficking, ng sexual abuse, ng cybersex,” pagninilay ni Bishop Pabillo
Binanggit din ng Obispo ang pang-aabuso sa mga bata na nagaganap din sa mga simbahan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na malaking eskandalo sa simbahang katolika ang usapin ng pedophilia o ang pagkakaroon ng sekswal na atraksyon sa mga bata na lubos namang pinagsisisihan ng simbahan.
“Pati nga sa simbahan nangyayari ang pang-aabuso sa mga bata. Kaya malaking eskandalo ang pedophilia sa simbahan at ito’y lubha nating pinagsisisihan at binabago,” ayon kay Bishop Pabillo.
Binigyang diin naman ng Obispo ang mga karahasan at pananamantala sa mga bata na nagaganap mismo sa loob ng tahanan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi ni Bishop Pabillo na kailangang maging mapagmatyag at mabantayang mabuti ang mga ganitong uri ng karahasan na nakaaapekto sa inosenteng kaisipan ng mga bata upang mahinto na at hindi na lumala pa.
“Pero mas malaki ang sexual abuse na nangyayari sa loob ng mga pamilya mismo, lalung-lalo na ngayong panahon ng pandemiya. We should all be vigilant to prevent this,” ayon sa Obispo.
Hamon naman ni Bishop Pabillo, na siya ring chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines—Episcopal Commission on the Laity na ipalaganap ang pagkakaisa upang malabanan ang karahasan at pananamantala sa mga bata.
Ayon sa Save the Children, isang organisasyong nagtataguyod ng mga karapatang pambata, maraming maaaring gawin upang tuldukan ang sekswal na karahasang bumibiktima sa mga bata.
Isa sa mga ito ang pagkakaroon ng patakarang itinataas ang edad ng pagtukoy ng statutory rape mula sa 12 taong gulang.