1,368 total views
Muling iginiit ni Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez ang pagsusulong sa medical marijuana o cannabis bilang alternatibong gamot sa mga karamdaman.
Ayon kay Alvarez, hindi maibibilang sa mga ipinagbabawal na gamot ang marijuana dahil napatunayan sa iba’t ibang pagsusuri ng mga eksperto na may kakayahan itong makagamot ng mga malalang karamdaman tulad ng cancer.
Ang pahayag ng kongresista ay kaugnay sa ginanap na media health forum na inorganisa ng Bauertek Corporation sa pangunguna ng general manager na si Richard Nixon Gomez.
Si Alvarez ang dating House Speaker sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at siyang may akda ng House Bill No. 6783 o Decriminalization of Marijuana na kasalukuyang nasa pagdinig na ng Dangerous Drugs Committee ng Kongreso.
Hinihiling ni Alvarez na mabigyan ng pagkakataon sa kongreso na maipasa ang panukala hinggil sa medical marijuana dahil posibleng makatulong ito hindi lamang sa mga may karamdaman, kundi maging sa sektor ng ekonomiya at agrikultura ng bansa.
Tinukoy naman ni Bauertek general manager Richard Nixon Gomez na maliban sa mga uri ng cancer ay maaaring magamot ng medical cannabis ang anxiety and depression, Parkinson’s disease, heart disease, at iba pang sakit.
Paliwanag ni Gomez na ang proseso sa paggawa ng gamot mula sa marijuana ay tinatanggal ang kemikal na tetrahydrocannabinol (THC) na pangunahing sanhi ng negatibong epekto sa utak at immune system.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga itinuturing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ilegal na droga ang shabu, cocaine, marijuana, ecstacy, at solvent.
Una nang inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon.