556 total views
Alam niyo kapanalig, araw araw nadaragdagan ang ating urban population. Araw araw din, marami tayong mga kababayan ang nagpupunta sa mga urban centers para sa trabaho, pag-aaral, at pamimili ng kanilang mga kailangan. Habang dumadaan ang panahon, mas dadami pa tayo, kapanalig, at mas lalawak din ang urban areas sa ating bansa.
Ang paglaki ng ating urban population at ang mabilisang urbanisasyon ay malaking hamon para sa batayang serbisyo ng bayan. Ang mga ito ay hamon sa transportasyon o mobility ng mga mamamayan.
Damang dama na nga natin dito sa Metro Manila kapanalig, ang mga epekto ng mabilisang urbanisasyon at ang pagdami ng tao. Tinatayang nasa 12 milyon na kapanalig, ang mga tao sa Metro Manila, at lumulobo pa ito ng hanggang mahigit 15 milyon tuwing may pasok. Pagdating sa trapik, ang Metro Manila din ang nauuna. Noong 2021, tinatayang umabot ng mahigit 3.2 milyong sasakyan ang nakarehistro sa NCR East at NCR West sa Land Transportation Office.
Sa dami ng tao at sa dami ng sasakyan sa Metro Manila, hindi nakakapagtaka kung bakit tayo ang sinasabing isa sa pinaka-congested city sa developing Asia, ayon sa isang pag-aaral mula sa Asian Development Bank noong 2019. Kapanalig, ang traffic na ito ay hindi pa humuhupa. Ngayong nasa Alert Level 1 na nga ang NCR, damang dama na naman ang urban congestion.
Ang matinding traffic na ito, kapanalig, ay brutal nang matuturing, lalo na para sa maralitang tagalungsod na araw araw dinadanas ito para lamang makapagtrabaho. Hindi lamang sayang ang oras at pagod ng mga mamamayan araw araw sa mahabang pila para sa tren, jeep, FX, o tricycle. Hindi lamang masakit sa katawan ang tumayo sa tren sa buong biyahe patungo sa trabaho dahil wala ng maupuan, o sumabit sa jeep, o sumisiksik sa maliit na tricycle, pagkatapos mong makipag-unahan. Nakakawala din ito ng dignidad- may pamasahe ka naman, pero ang pamasahe mo ay ganito uri lamang ng transportasyon ang abot. Pare-parehong kalye ang dinadaanan nating lahat tungo sa trabaho, pero ang maralita, kaaba-aba.
Kapanalig, huwag sana nating gawing pribelihiyo ang transportation sa ating bayan. Lahat tayo, mayaman man o mahirap, ay dapat may access sa dekalidad na pampublikong transportasyon. Hindi lamang sasakayan ang usapan dito kapanalig – kundi lahat ng aspeto ng mass transportation, mula sa sistema, koneksyon ng iba’t ibang uri ng transportasyon, road networks, at pamamahala.
Sa mga sitwasyong gaya ng araw araw na urban congestion makikita natin kung gaano kalupit ng lipunan sa mga maralita. Dito, makikita natin na kahit bahagi tayo ng isang lugar, hindi lahat ay nakikinabang sa mga bunga o biyaya na dapat sana ay para sa lahat. Ayon nga sa Evangelii Gaudium: The dignity of the human person and the common good rank higher than the comfort of those who refuse to renounce their privileges. When these values are threatened, a prophetic voice must be raised.
Sumainyo ang Katotohanan.