273 total views
Nananawagan si Apostolic Vicariate of Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo sa mga botante na huwag magpadala sa popularidad ng kandidato kundi sa moralidad.
Ginawa ni Bishop Arigo ang panawagan kaugnay sa patuloy na pangunguna ni presidential candidate Rodrigo Duterte sa survey sa pagka – pangulo.
Binatikos ng Obispo si Duterte matapos kumalat ang kanyang video na may pabirong pahayag tungkol sa usapin ng rape.
Laman nito ang kwento ng alkalde tungkol sa pangho-hostage at panggagahasa sa mga dayuhan ng isang grupo ng mga preso sa Davao noong 1989.
“Tinuturuan namin ang mga tao na maging choosy huwag magpadala sa popularity and then yung character ng tao. Nasaan na yung ating moral sense, nasaan na yung delicadeza natin. Parang wala na tayong sense ng right and wrong, parang wala na tayong konsensiya,” pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok nito ang mga botante na magkaroon ng delikadeza sa pagboto at paiiralin ang kanilang konsensya sa ihahalal na pangulo ng bansa na magiging halimbawa sa lahat lalo na sa mga kabataan.
“And we are supporting a candidate na very na talagang openly sinasabi niya na napakasamang example sa mga bata. Alam ng mga bata na dalawa asawa niyan, tatlong girlfriend niyan. Pagkatapos gagawing hindi naman joke yung kanyang statement sa rape. Kapag ganoon ang character ng isang tao yung sense of decency wala. How much more kung walang sense of morality yan pagkatapos gagawin mong presidente ng Pilipinas. Yung value system natin totally errorless it is very sad,” giit pa ni Bishop Arigo sa Radyo Veritas.
Nauna na rito pinuna rin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang karakter ni Duterte na nagpapakita ng mababa nitong pagpapahalaga sa mga kababaihan at moralidad. Sa gitna naman ng isyu na kikaharap ni Duterte nanguna pa rin ito sa pinakabagong pre – election survey ng Social Weather Station o SWS sa pagka – pangulo.
See Duterte, karapat-dapat bang maging Pangulo?
Nakakuha ang alkalde ng Davao ng 33 porsyento sa mahigit 1800 respondents sa buong bansa.(Romeo Ojero II)