370 total views
Binigyang diin ng CBCP NASSA / Caritas Philippines na dapat ipatupad ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang pagpapasara ng mga minahan sa buong bansa.
Ito ay matapos ang matinding landslide na naganap sa Itogon Benguet, kung saan nagsasagawa pa rin ng palihim na operasyon ang small scale miners sa kabila ng suspension order na ipinataw sa kumpanya noong 2017.
Ayon kay Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng Komisyon, ang naturang minahan ang sanhi ng matinding pagguho ng lupa sa Itogon Benguet noong nanalasa ang bagyong Ompong.
Sinabi ng Pari na kung hindi dahil sa pagkasirang idinulot ng minahan sa kalikasan ay hindi malalagay sa labis na kapahamakan ang buhay ng maraming residente sa lugar.
“The community became even more vulnerable to Disasters because of the Destructive Mining activities of Benguet Corp. DENR Secretary Roy Cimatu should sustain the closure order to prevent further destruction. DENR should also take enforcement seriously to Avoid Disasters of this kind from happening anywhere in the Philippines.” pahayag ni Father Gariguez.
Sa huling tala ng Department of Interior and Local Government–Cordillera Region mahigit na sa 50 ang naitalang nasawi sa naganap na pagguho ng lupa sa Itogon Benguet.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang search and rescue ng lokal na pamahalaan at mga volunteers sa lugar.