435 total views
Hindi ikinatuwa ng Masungi Georeserve Foundation ang kumakalat na maling balita hinggil sa Masungi Georeserve project.
Ayon kay Billie Dumaliang, Advocacy Officer at Trustee ng grupo, hindi tamang gamitin sa pagpapakalat ng ‘fake news’ ang mga official social media pages ng pamahalaan tulad ng isang post ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Calabarzon.
Nakasaad dito na mayroong mga ‘lehitimong residente’ sa kinasasakupan ng Masungi sa Baras, Rizal ang naghain ng petisyon upang patigilin ang Masungi Geopark Project.
Nilinaw ni Dumaliang na wala itong katotohanan at ito’y paninira mula sa mga may-ari at empleyado ng mga nakatayong resort sa bahagi ng Masungi.
“Nakakagalit at nakakahiya na ginagamit yung opisyal na resources o page ng ating gobyerno para magkalat ng fake at misleading news. Basically, they are spreading the propaganda ng mga violators at mga may-ari ng ilegal na resort sa ating Marikina watershed,” pahayag ni Dumaliang sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Dumaliang na ang nasabing mga resort ay binigyan na rin ng cease and desist order mula sa lokal na pamahalaan ng Baras at mismong DENR, gayundin ang mga nakasampang kaso mula sa Provincial Prosecutor.
Maging ito ay napansin na rin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at napag-alaman ang mga paglabag sa environmental laws at paulit-ulit na ilegal na gawain sa loob ng Masungi Georeserve.
“Talagang questionable na ‘yung nangyayari dito kaya hinihiling na ng mga concerned citizens ‘yung imbestigasyon at resignation nitong DENR Regional Director Nilo Tamoria,” ayon kay Dumaliang.
Nananawagan naman ang grupo sa publiko na maging mapagmatyag sa anumang mga ilegal na gawaing patuloy na nangyayari sa loob ng protected watershed.
“Kung pababayaan natin itong mga violator at mga kasabwat nila sa gobyerno na magpatuloy, tayo rin ang mapapahamak, tayo rin ang masasaktan,” panawagan ni Dumaliang.
Nakasaad sa Laudato Si’ ni Pope Francis na mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.