316 total views
Binatikos ng Ecowaste Coalition ang kadu-dudang white sand beach beautification project ng pamahalaan para sa Manila Bay sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Hinamon din ni Ecowaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero ang Department of Environment and Natural Resources at Department of Public Works and Highways na isapubliko ang lahat ng mga dokumento na magpapatunay na legal ang beautification project.
“As the public have the right to know, we urge the DENR and the DPWH to post on their websites all pertinent documents that will provide environmental, health, legal and financial justification for pursuing this beautification project,”, ayon kay Lucero.
Nais ng grupo na ilahad ng DENR at DPWH sa mamamayan kung kanilang isinasaalang-alang ang maaaring maging epekto ng proyekto sa marine at coastal ecosystem gayundin sa kalusugan ng tao.
Ipinasasapubliko rin ng ECOWASTE Coalition kung magkano ang magagastos na buwis ng taumbayan sa patuloy na pagbabantay at pagpapanatili sa inilagay na white sand na maaari sanang magamit sa pagtulong sa mga mahihirap na apektado ng pandemya.
“We want to know if the implementing agencies have considered potential harm to the marine and coastal ecosystems and to human health, and how much of taxpayers’ money will be required for the continuing monitoring, maintenance and replenishment of the ‘white sand’ beach, which could be used for truly rehabilitating Manila Bay and for supporting the poor who depend on it for their livelihood,” ayon sa pahayag ni Lucero.
Kaugnay nito, nagbabala si Department of Health Undersecretary at spokesperson Dr. Maria Rosario Vergeire sa masama at mapanganib na epekto ng white sand sa kalusugan ng tao.
Batay sa pag-aaral ng D-O-H, ang crushed dolomite na inilalagay sa bahagi ng Manila Bay ay maaaring magdulot ng eye irritation, respiratory problems kapag ito’y nalanghap, pananakit ng sikmura at diarrhea kapag naman ito’y nakain.
Naunang nagpahayag ng pagkadismaya si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, kaugnay sa hindi napapanahong proyekto ng kagawaran sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa.
Read: https://www.veritas846.ph/obispo-dismayado-sa-white-sand-project-sa-manila-bay/
Ayon sa Encyclical na Laudato Si ni Pope Francis, mahalaga ang pagiging mapagmatyag ng komunidad upang matiyak na wasto at may moral na pamantayan ang pagpapatupad ng gobyerno ng mga batas na nangangalaga sa kalikasan.