273 total views
Sinusuportahan ng Teachers Dignity Coalition ang naging desisyon ng Department of Education na ipagbawal ang pamamahagi ng condoms sa mga paaralan.
Ayon kay Benjo Basas, pangulo ng TDC, naninindigan at tumututol ang mga guro sa probisyon na isinusulong ng Department of Health na pamimigay ng condoms sa mga paaralan.
Iginiit ni Basas na kailanman ay hindi matutuldukan ng ganitong mungkahi ang teen pregnancy at ang pagtaas ng kaso ng HIV sa mga kabataan.
“We welcome the decision of Sec. Briones not to allow our schools to become distribution centers of DOH’s condoms. We reiterate that giving away condoms in schools would not resolve teen pregnancy problem and HIV cases among the youth.” bahagi ng pahayag ni Basas sa panayam ng Radyo Veritas.
Samantala sa datus ng DOH mula Hulyo hanggang Oktubre ng 2016 nakapagtala ito ng mahigit tatlong libong bagong kaso ng HIV sa bansa na dumadagdag sa mahigit 38 libong naitalang kaso ng naturang sakit simula pa taong 1984.
Nauna na ring iminungkahi ni dating CBCP – President at Lingayen Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz na mas maganda lamang bigyan ng responsible parenting seminar ang mga magulang lalo na ang mga napapabilang sa PTA o Parent Teacher Association sa tamang paggabay ng mga magulang sa kanilang mga anak.
“Dapat ang gawin ng mga paaralan bigyan ng seminar ang mga magulang lalo na at may asosasyon naman sa mga paaralan tulad ng PTA o Parent Teacher Association at doon ilatag ang tamang paggabay sa mga bata. Hindi ang pamamahagi ng condom na magpapalala lang ng kaso ng pre – marital sex.” giit ni Archbishop Cruz sa Radyo Veriras.
Mariing nananawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Health Care na sagipin ang mga kabataan sa “culture of death” tulad ng condom distribution sa mga paaralan na ipinipilit ng DOH.
Read: http://www.veritas846.ph/kabataan-sagipin-sa-culture-death/