376 total views
Kinilala ng Catholic Educational Association of the Philippines – National Capital Region ang hakbang ng Department of Education na pagpapatupad ng limited face to face classes sa piling rehiyon.
Sa pahayag ni CEAP NCR Trustee Fr. Nolan Que, ito ang batayan ng mga Catholic schools sa pagbalangkas ng mga polisiya para sa mas maayos na implementasyon lalo na sa pagsunod sa new normal sa larangan ng edukasyon sa bansa.
“We welcome the initiatives of the Department of Education on its pilot implementation of face-to-face classes of selected schools in low-risk areas,” bahagi ng pahayag ni Fr. Que.
Hinimok din ni Fr. Que ang DepEd na maglabas ng panuntunang susundin tulad ng Department Order 14 s. 2020 o ang Guidelines on the Required Health Standards in Basic Education Offices and Schools upang maibsan ang pangamba ng mga magulang sa kaligtasang pangkalusgan ng kabataan sa pagbabalik ng face to face classes.
“To allay the fears of parents and other stakeholders, we ask the Department of Education to release to the general public the guidelines of the limited face-to-face classes in the form of a department order,” ani Fr. Que.
Umaasa rin ang opisyal na paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pakikipagtulungan sa nasabing hakbang lalo na ang pagpapatupad ng safety health protocol sa mga napiling eskwelahan sa pilot testing nito.
Sinabi pa nitong magsisimula sa paghahanda ang mga CEAP-member schools sa oras na maglabas ng panutunan ang DepEd at pagtiyak ng mga LGU sa quarantine health protocol.
Kamakailan ay inaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng DepEd na magpatupad ng limited face to face classes sa 120 paaralan sa buong bansa partikular sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19.
Batid ng pari na kinakailangang makaballik sa mga paaralan ng mga kabataan na ayons a pag-aaral ng UNICEF noong 2020 iginiit nitong hindi maaring palitan ng distance learning ang face to face classes lalo’t maraming mga kabataan sa mga kanayunan ang walang sapat na kakayahan para sa online education.
“We cannot hide forever. This endeavor is a calculated risk that all schools in the country must take to begin the transition from distance learning to limited face-to-face learning,” ani ng pari.
Kaugnay dito hinikayat ni Fr. Que ang mga pinuno ng catholic schools na simulan ang proseso para makabalik sa eskwelahan ang mga kabataan.
“We call on the heads of Catholic schools to begin planning this transition as soon as possible. Please begin the process of securing the consent of parents who wish to avail this when the limited face-to-face sessions are available in your areas,” saad ng pari.
Paalala rin nito sa mga eskwelahan na manatiling ipatupad ang kasalukuyang blended learning para sa mga estudyanteng pipiliin ang online learning.
Dalangin ni Fr. Que ang paggabay ng Panginoon at ng Banal na Espiritu sa tulong ng Mahal na Birheng Maria para sa mas maayos na transition at pananatiling matatag ng bawat isa sa nagpapatuloy na banta ng pandemya.