212 total views
Mga Kapanalig, sa gitna ng tumitinding krisis sa klima, hindi matatawaran ang kahalagahan ng mga taong ipinaglalaban ang karapatan ng kalikasan laban sa hindi makatarungan at nakapipinsalang pananamantala sa mga likas na yaman. Sa kasamaang palad, sa halip na pinararangalan at pinoprotektahan, sila ay kasama sa mga tinutugis at pinapatay.
Sa pinakabagong ulat na inilabas ng Global Witness ngayong taon, naitala nito ang 227 na kaso ng pagpaslang sa mga tinatawag na land and environmental defenders o mga taong dinedepensahan at pinoprotektahan ang kanilang mga tahanan, lupang ninuno, kabuhayan, at ang kalikasang mahalaga para sa biodiversity at klima ng isang lugar. Sa ulat na pinamagatang “Last Line of Defense”, pumangatlo ang Pilipinas sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga environmental defenders. Ang Pilipinas ay may 29 kaso ng pagpatay sa mga environmental activists noong 2020; nangunguna tayo sa buong Asya sa walong magkakasunod na taon.
Sa halip na karangalan at proteksyon ang ibinibigay sa mga nangangalaga sa kalikasan, kapansin-pansing mas naging talamak ang karahasan laban sa kanila sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Duterte. Mula noong 2016 hanggang sa pagtatapos ng 2020, 166 environmental defenders ang pinatay. Noong nakaraang linggo lang, binaril at pinatay ng dalawang hindi kilalang salarin ang vice chairperson ng Union of People’s Lawyers sa Mindanao (o UPLM) at isa ring anti-mining advocate na si Atty. Juan Macababbad. Pinatay siya sa harap ng kanyang bahay sa bayan ng Surallak, South Cotabato. Dalawang buwan lamang ang nakakaraan, dalawang forest rangers ng Masungi Georeserve sa probinsya ng Rizal ang nagtamo ng tama ng baril sa ulo at leeg habang nagbabantay sa nasabing reforestation site. “Land grabbers, professional squatters, at illegal encroachers” kung tawagin ng mga namamahala ng Masungi Georeserve Foundation ang mga matagal nang nagbabanta at nanggigipit sa kanilang mga forest rangers. Dahil sa esensya ng adhikain at trabaho ng mga land and environmental defenders, maraming nagtatangkang patahimikin sila sa pamamagitan ng pagbabanta sa kanilang buhay at iba pang uri ng pananakot at karahasan. Gaya ng mga kaso ng pagpatay ng mga vigilante o mga di-kilalang salarin sa Oplan Tokhang, halos wala ring napapanagot sa mga kaso ng pamamaslang at karahasan laban sa mga environmental defenders. Sa kabila ng patung-patong na isinampang demanda at mga pangako ng mga pulis at opisyal ng gobyerno sa pagtugis sa mga salarin, patuloy pa rin ang paghahanap ng hustisya.
Ngayong nasa peligrosong kalagayan ang ating planeta dahil sa climate change, mas lalong kailangan ang malaking kontribusyon ng mga environmental defenders. Sa tuwing tinututulan halimbawa ng mga katutubo ang pagpapatayo ng dam o ng anumang mapanirang imprastraktura sa kanilang lugar, hindi lamang nila dinedepensahan ang kanilang lupang ninuno, hindi lang ang kanilang sariling komunidad ang ipinagtatanggol nila. Pinoprotektahan din nila ang mga ilog, puno, bundok, at lupaing pinakikinabangan nating lahat. Nararapat lang na proteksyon at pagpapahalaga rin ang ibalik sa mga taong ginagampanan ang papel na iniatas ng Diyos sa tao na alagaan ang Kanyang nilikha, gaya ng mababasa natin sa Genesis 2:15.
Mga Kapanalig mahalagang tandaan natin ang nakasaad sa mga panlipunang turo ng Simbahan: sagrado at hindi maaaring labagin ang karapatan ng bawat taong mabuhay. Nakalulungkot na madalas hindi nakikita o sadyang hindi pinapansin ang kritikal na kontribusyon ng mga tagapangalaga ng kalikasan sa pagprotekta sa nag-iisa nating tahanan. Kasabay ng pakikinig sa daing ng ating kalikasan, tugunan din natin ang pagsaklolo ng mga nangangalaga ng kalikasan. Mahalagang mapanagot ang malalaking kompanya at korporasyong may kinalaman sa mga pagpatay, pati na ang pagpapaalala sa pamahalaang may mandato itong itaguyod ang karapatan ng tao at ng kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.