215 total views
Umaapela ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP -ECMI) sa pamahalaan na magpatupad ng deployment ban ng mga Overseas Filipino Worker sa Kuwait.
Bukod sa deployment ban, hinimok ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang administrasyong Duterte na obligahin ang pamahalaan ng Kuwait na ipatupad ang kasunduang nilagdaan noong nakalipas na taon para sa pagbibigay proteksyon sa mga Overseas Filipino Worker.
Ayon kay Bishop Santos, dapat parehong matiyak ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait na mabibigyan ng katarungan ang sinapit ng Filipina sa kamay ng isang airport security personnel sa Kuwait.
Iginiit ng Obispo na bukod sa pagtulong at pagbibigay ayuda ay kailangang matiyak ng Pilipinas ang implementasyon sa napagkasunduan ng dalawang bansa upang matigil na ang pang-aabuso sa mga OFW.
“Both government must see to it that the suspected rapist-in-uniform must be prosecuted, punished; Justice must be served to our con national. All necessary assistance and help should be extended to her. And we must be ready to enforce deployment ban, as she was second victim after the brutal death of Constancia Dayag.” pahayag ni Bishop Santos.
Binigyang diin ni Bishop Santos na ang panibagong kaso ng pang-aabuso sa OFW ay malinaw na paglabag sa kasunduang nilagdaan ng Kuwait at Pilipinas sa pangangalaga sa kapakanan, kaligtasan at pangangalaga sa karapatan ng mga manggagawang Filipino.
“As our Filipina household service worker is raped, is cleared violation of the agreement between our country and Kuwait for the protection of OFWs. The Kuwait government must show political will to ensure the safety and security of our OFWs, and rights are promoted and respected.” Paninindigan ni Bishop Santos
Naninindigan din ang Obispo na nararapat na mahuli at maparusahan ang 22-taong gulang na suspek na kinilalang si Fayed Naser Hamad Alajmy na dumukot at gumahasa sa OFW.
Pebrero ng nakalipas na taon ng ipatupad ang total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait matapos ang kalunos-lunos na pagpatay sa Filipinang si Joanna Demafelis na natagpuan sa loob ng isang freezer.
Mayo taong 2018 ng binawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang total deployment ban matapos na lagdaan ng pamahalaan ng Pilipinas at Kuwait ang isang kasunduan na naglalayong mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga OFW sa Kuwait.
Nakapaloob rin sa kasunduan ang pagkakaroon ng special police unit na magsisilbing katuwang ng Embahada ng Pilipinas sa pagsasagawa ng rescue operations at pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangang OFW.