21,455 total views
Ito ang pangunahing layunin ng isinagawang National Congress of St. James the Greater Parishes and Devotees kung saan sa ikalimang taon nito ay ginanap sa Archdiocesan Shrine and Parish of St. James the Great sa Ibaan Batangas.
Ayon kay Shrine Rector at Parish Priest Fr. Allen Vic Cartagena, OSJ, papagtibayin ng gawain ang bukluran ng mga parokyang nakatalaga kay Santiago Apostol gayundin ang mga deboto at ipagpasalamat sa Diyos ang patuloy na pamamagitan ng santo.
“Ang objective nitong conferences ay para lalong mapalalim ang pagkilala sa aming patron, pangalawa ang pasasalamat sa Diyos na sa tulong ni Santiago ay tuloy ang ang biyaya, ang pagdaloy ng grasya mula sa Diyos, at ang camaraderie ng mga deboto para magkaroon ng magandang samahan,” pahayag ni Fr. Cartagena sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng pari ang malaking hamon na palawakin ang debosyon ni Santiago Apostol na itinuring patron ng mga beterinaryo at mga perigrino.
Tinuran ni Fr. Cartagena ang gawain bilang pagsabuhay sa simbahang sinodal sapagkat sa mga national conferences ay sama-samang naglalakbay ang mga deboto tungo sa landas ni Hesus.
“This is one way of expressing synodality very particular nga lamang siya sa parishes under the patronage of St. James the Greater pero ito ay nagpapalaganap ng pagkakaisa sa puso at damdamin lalo’t higit pananampalataya sa Diyos sa tulong ni Santiago Apostol,” ani Fr. Cartagena.
Unang inilunsad ng St. James the Great Parish sa Ayala Alabang ang national conference noong 2018 na sinundan sa Cebu, Dapitan City sa Zamboanga, at sa Plaride Bulacan habang naipagpaliban ito ng dalawang taon dahil sa pademya.
Binuksan ang 5th national conference noong January 31 sa misang pinangunahan ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera habang tampok sa tatlong araw na pagtitipon ang mga panayam nina Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit at Dominican priest Fr. Rolando Dela Rosa.
Nagdiwang ng banal na misa sa ikalawang araw si OSJ Philippine Province Provincial Superior Fr. Jayson Endaya, OSJ, habang ang closing mass ay pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Bukod sa mga panayam nagkaroon din ng mga pagtatanghal at Camino Walk ng 500 debotong dumalo sa 3-day conference.
Paanyaya ni Fr. Cartagena sa mananampalataya na huwag mag-atubiling lumapit at humingi ng tulong panalangin kay Santiago Apostol.
“Iniimbitihan ko po kayo na kilalanin si Santiago Apostol, kung gaano kamahal ang personal saints po ninyo inooffer po namin ang debosyon ni St. James the Great para sa lahat ng ating pangangailangan lalong lalo na po kung minsan tayo ay nagugulumihanan sa ating pananampalataya,” giit ni Fr. Cartagena.
Samantala itinakda naman ang ikaanim na national conference sa 2025 kasabay ng pagdiriwang ng Jubilee Year ng simbahan na gaganapin sa St. James the Great Parish sa Batuan Bohol.