207 total views
Hindi nababahala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa kalagayan ng mga Filipino sa Estados Unidos.
Ayon kay DFA spokesman at assistant secretary Charles Jose, maliit lamang na porsyento ng bilang ng mga Filipino sa US ang mga iligal o yung Tago ng Tago (TNT).
Paliwanag ni Jose, nasa humigit-kumulang 300,000 lamang ang TNT sa US mula sa 3 milyong Filipino doon at sila ay hindi naman prayoridad na ipatapon pabalik ng bansa dahil ayon kay US President Donald Trump ang mga illegal immigrant na may criminal records lamang ang puntirya ng kampanya.
Pahayag pa ng DFA, bagamat TNT ang ilang Filipino sa Amerika, maayos naman ang kanilang trabaho at sumusunod sila sa mga batas doon.
“Hindi naman kami gaanong nababahala dahil naniniwala kami karamihan sa more than 3 million ay maayos naman ang kanilang status, nagbabayad naman sila ng buwis sumusunod sila sa batas. Sabi naman ni Trump na uunahin niya ang mga may criminal records. Para sa akin hindi ito magkakaroon ng malaking implikayson sa Filipino community sa America dahil mga law abiding sila kahit sila ay TNT,” pahayag ni Jose sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, nasa pangangalaga naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sakaling mapauwi sa bansa ang mga TNT mula sa US at ayon kay Jose may tulong ng inihahanda ang ahensiya para sa mga ito.
Una ng kinikilala ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga overseas Filipino workers bunsod ng kanilang sipag, tiyaga at pagmamahal sa pamilya na nakatutulong pa sa ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang mga remittance na noong unang quarter ng 2016 ay nasa $2.7 bilyon ang remittances nila na mas mataas noong nakaraang taon na $2.4 bilyon lamang.